MANILA, Philippines – Kinumpirma ni Department of Justice Secretary Leila De Lima na nagsasagawa sila ng imbestigasyon sa ilang opisyal ng Department of Health (DOH) dahil sa umano’y kwestyunableng pagbili ng mga bakuna noong 2012.
Kabilang sa mga iniimbestigahan sina Health Secretary Enrique Ona, Asec. Eric Tayag at iba pang mga opisyal na posibleng may kinalaman sa transaksyon.
Pneumococcal conjugate vaccine 13 (PCV13) ang dapat bilhin ng DOH base na rin sa rekomendasyon ng World Health Organization (WHO).
Bakuna ito para sa pulmonary diseases gaya ng pneumonia, meningitis, sinusitis at bronchitis.
Naihanda na rin ang mga papeles sa pagbili ng PCV13 ngunit sa hindi malamang dahilan ay ang mas mahinang klase ng gamot na PCV10 ang binili ng ahensya.
“But all of a sudden, as allegedly, the procurement of PCV 10 was instead ordered by Asec. Tayag and it also appears na nakapag-issue ng certificate of exemption si Sec. Ona for PCV10 kaya nireklamo yan ng relevant bodies na bakit PCV10 instead of the more cost-effective PCV13,” ani De Lima.
Sinabi ng kalihim na mismong opisina ng pangulo ang nag-utos na imbestigahan ang mga nabanggit na health officials.
Ayon pa kay De Lima, noong Hunyo pa sinimulan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang palihim na imbestigasyon ngunit dahil sa hindi umano pakikiisa ng mga opisyal ng DOH ay nagpasya sila na gawing bukas ang imbestigasyon.
“Naging uncooperative daw certain personalities, offices, units of DOH. They were given a run-around, so I told them you better do already an open investigation para makapag issue kayo officially ng subpoena,” saad ni De Lima.
Tumanggi muna ang kalihim na magbigay ng iba pang detalye ng imbestigasyon.
Ngunit ilang opisyal na ng DOH ang natanong ng NBI tungkol dito at may nakuha na ring mga dokumento.
Posible namang maharap sa kaukulang kaso ang ilang opisyal ng ahensiya sakaling mapatunayan na may anomalya sa nasabing transaksyon.
“Both administrative and criminal siguro. Well, administrative, the disciplining for presidential appointees is the president. Although the Ombudsman has also jurisdiction kung it falls under Anti-Graft and Corrupt Practices Act. Both administrative and criminal naman ang Ombudsman kung mayroong irregularity that is covered, or is considered a graft and corrupt practices act.”
Samantala, pinaiimbestigahan na rin DOJ ang maling ulat na umano’y may kaso na ng Ebola sa bansa.
Magugunitang nitong nakaraang araw ay kumalat na social media na may mga kaso na umano ng Ebola sa Quezon City, taliwas sa pahayag ng DOH na nananatiling ligtas ang bansa sa nakamamatay na sakit.
“Certainly, that’s actionable, contrary to law. Remember meron tayong PD 90 which penalizes rumormongering and spreading of false information,” saad pa ni De Lima. (Roderic Mendoza / Ruth Navales, UNTV News)