MANILA, Philippines — Umatras na si Vice President Jejomar Binay sa nakatakdang debate nila ni Senator Antonio Trillanes IV sa November 27.
Ginawa ni Binay ang pahayag kasabay ng kanyang pagdiriwang ng ika-pitumpu’t dalawang kaarawan sa Philippine Marines headquarters sa Fort Bonifacio, Taguig City, Martes.
Ayon sa Bise Presidente, ayaw niyang magmukhang nanamantala, kaya hindi na niya itutuloy ang pakikipagharap kay Trillanes.
Marami na aniya siyang naririnig na mistulang “underdog” si Trillanes dahil siya, bilang isang abogado, ay magaling at mahusay sa diskusyon.
Pahayag ni VP Binay, “Huwag na natin ituloy kung ganon yung usapan. Eh may dahilan kaagad kung ano ang mangyayari. Ayoko na kung ganun na lang. Yung sinasabi ko, ayokong [magmukhang] mapang-api. Ang masasabi ko mamaya “ayoko na”. Dapat kasi kung ganyan, magsalita kaagad, pinangungunahan ka kaagad, medyo hindi na tama yun.”
“Hindi na, ayoko na. (final na po, sir?) Dahil sa pang-iintriga na to, ayoko na, final na,” anang Pangalawang Pangulo.
Binigyang diin din ni Binay na noon pa man ay hinusgahan na siya ng mga Senador na nag-iimbestiga sa kanya, kabilang na rito si Trillanes.
Ayon kay Binay hindi na siya maaapektuhan ng anumang sasabihin sa kanya, lalo na’t siya ang humamon sa Senador.
Samantala, dismayado ang Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas sa pag-atras ni Binay.
Ayon kay KBP Chairman Jun Nicdao, ito na sana ang pagkakataon ng Pangalawang Pangulo upang harapang idepensa ang sarili sa mga nag-aakusa sa kanya.
“Syempre, disappointed tayo dahil plano natin ito, at we feel like losing an opportunity for us and our country to hear what he has to say about yung mga accusation sa kanya,” pahayag ni Chairman Jun Nicdao.
Bukod rito, nanghihinayang rin si Nicdao lalo na at malaking oras at resources ang nagamit ng KBP upang paghandaan ang nakatakdang debate.
Samantala, nirerespeto naman ng Malakanyang ang naging desisyon ng Bise Presidente.
Pahayag ni Deputy Presidential Spokesperson USec. Abigail Valte, “We respect the Vice President’s decision not to push through with the debate with Senator Trillanes. Yung katulad lagi na sinasabi ng Pangulong Aquino mas nakakatanda po ang Bise Presidente sa kaniya at hindi po kami pwedeng magbigay ng advise na hindi po sa amin hinihingi.”
Oktubre a-bente dos nang hamunin ng Bise Presidente si Trillanes sa isang one-on-one debate dahil mistulang kangaroo court ang ginagawang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Sub-committee. Agad namang tinanggap ni Senador Trillanes ang hamon ni Binay. (BIANCA DAVA / UNTV News)