MANILA, Philippines – Matapos ang pitong taong pagtatago ay nahuli na ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Unit – National Capital Region ang gunman sa pagpatay kay San Carlos, Pangasinan Mayor Julian Resuello noong 2007.
Natunton ng mga awtoridad ang suspek na si Salvador Boquerin sa pinagtataguan nito sa Jala-Jala, Rizal, Martes ng gabi.
Ayon kay CIDG-NCR Chief P/Supt. Danilo Macerin, naghain sila ng search warrant kay Boquerin na nakuhanan ng dalawang walang lisensiyang 38 revolver at 18 bala.
Base sa imbestigasyon, bukod sa pagpatay kay Mayor Julian Resuello ay may kasong rape din ang suspek sa Las Piñas.
“Sa warrant hindi kasama ang pangalan ng arrested suspect, ngayong nagkaroon tayo ng positive identification na isa ito sa mga gun man na nahuli natin sa Jala-Jala, we have to submit amendment para maisama ang kanyang pangalan sa warrant,” anang opisyal.
Sinabi pa ni Macerin na miyembro ng gun for hire ang suspek na positibong itinuro ng dating bodyguard ni Resuelo na siyang bumaril sa kanila.
Malaki naman ang pasasalamat ni Mayor Julier Resuello, anak ng biktima, sa pagkakahuli sa suspek na syang magiging susi upang mabigyan ng linaw ang kaso at kung sino ang nasa likod ng pagpatay sa kanyang ama.
“Kami po ay natutuwa at unti-unti ay nagkakaroon na ng linaw sa tulong ng CIDG at mga kaibigan kung sino ang mga tao kasi habang nagtatagal yan ay nagiging careless ang tao na gumawa,” saad nito.
Magugunitang pinagbabaril si dating Mayor Resuelo noong May 2007 habang nagdiriwang ng pista sa kanilang bayan at namatay makalipas ang dalawang araw. (Lea Ylagan / Ruth Navales, UNTV News)