Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

Ilang panukala para sa pagbibigay ng karagdagang benepisyo sa mga senior citizen, nakabinbin pa rin sa kongreso

$
0
0

Senior Citizens Party-list Representative Godofredo Arquiza (UNTV News)

MANILA, Philippines – Nasa sampung milyon ang bilang ng mga matatanda o senior citizen sa bansa ngayon.

Ilan sa mga ito ay nasa pangangalaga ng kanilang mga kaanak, o di kaya ay nasa mga nursing home, habang mayroon namang basta na lamang pinabayaan ng kanilang pamilya.

At dahil walang sapat na pasilidad ang bansa upang tugunan ang kanilang mga pangangailangan, maraming panukalang batas ang inihain sa kongreso para sa ikagiginhawa ng buhay ng ating mga lolo at lola.

Gaya na lamang ng paglalagay at pagtatayo ng isang center o ampunan para sa mga matatanda kung saan libre rin ang mga gamot at pagpapagamot sa lahat ng mga ospital.

Papatawan din ng mabigat na parusa ang sinomang aabuso sa karapatan ng matatanda.

Subalit ang lahat ng mga ito ay hindi naipoproseso dahil ang sana’y kinatawan ng mga matatanda sa kongreso ay hindi pa rin naipoproklama ng Commission on Elections.

“Araw-araw may nagtitext sa akin, congressman wala kame pambili ng maintenance sa high blood kung anu-anu pa, wala tayo magawa napapaiyak na lang ako eh dahil alam nyo naman ang senior citizen lahat may sakit eh lahat may maintenance,” saad ni Senior Citizens Party-list Representative Godofredo Arquiza.

Ang Senior Citizens Partylist ay una nang dinisqualify ng COMELEC tatlong araw bago ang eleksyon, subalit umapela sa Korte Suprema at sinang-ayunan na dapat maiproklama, ngunit hanggang ngayon ay hindi pa ito naipoproklama ng COMELEC.

Gayunman pinahintulutan pa rin ng liderato ng kamara na manatili ang opisina nito sa kongreso.

Giit ni Arquiza, “Ibigay nila ang dahilan hanggang ngayon bakit hindi nila pino-proclaim ang Senior Citizen.”

“Yung mga house bill ko na dapat nai-file ko noong una, wala na siguro ako maaprubahan dito sa 16th Congress,” pahayag pa nito. (Grace Casin / Ruth Navales, UNTV News)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481