MANILA, Philippines – Sa pagbubukas UNTV CUP Season 3 sa unang sagupaan pa lamang ay parang championship na.
Kaagad na ipinadama ng defending champion AFP Cavaliers ang kanilang puwersa matapos tiklupin ang new comer team na NHA Builders, 90-71, sa sagupaang ginanap sa MOA Arena sa Pasay City.
“Lumalamang kami ng 21 points pero nahahabol pa nila, paunti-unti magaling yung isang player nila paghahandaan namin uli next time na makalaban uli namin sila,” pahayag ni Alvin Zuñiga ng AFP Cavaliers.
“Yung depensa namin mas idedevelop namin siguro excited lang kami kasi bago yung team sa liga pero sa susunod siguro wala na yung pressure,” saad naman ni Waldemar Tibay ng NHA Builders.
Sa second game, exciting din ang sagupaan ng season 2 second placer PNP Responders at DOJ Boosters.
Namayani ang Responders sa Boosters sa score na 90-72.
Ngayong season ay tatlong bagong koponan ang nadagdag kabilang ang NHA Builders, GSIS Furies at BFP Firefighters.
Ang mga dati ng team ay ang AFP Cavaliers, PNP Responders, Judiciary Magis, MMMDA Blackwolves, Malacañang Patriots, Senate Defenders, HOR Solons at ang DOJ Justice Boosters.
Inaasahan na mas lalong titindi ang mga labanan ngayong season dahil sa mas pinalaking premyo ng tatanghaling kampeon.
Ipinasya ni Mr. Public Service Kuya Daniel Razon na mula sa P1.5 million ay gagawin ng P2 million ang premyo ng tatanghaling kampeon.
“Maraming natutulungan ito. Kaya sumasali dito ang HOR dahil naniniwala kami sa mga natutulungan ng UNTV ni Bro. Eli at ni Kuya Daniel Razon,” ani Rep. Niel Tupas Jr. ng HOR Solons.
Sinabi naman ni Sen. Sonny Anggara Jr., “Alam natin na lahat naman ng teams ay gumaling this year pero mas susubukan namin na pag-igihan ang season na ito.”
Samantala, inanyayahan naman ni Season 2 MVP Erwin Omiping ng PNP Responders ang lahat na patuloy na suportahan ang UNTV Cup dahil sa mas kapana-panabik na bakbakan sa hardcourt.
“Mas lalong lumakas ang motivation namin na makuha yun para makatulong sa aming beneficiary talaga.”
“Ini-invite ko po kayo na manood ng UNTV Cup Season 3, ito ang bagong game ko,” dagdag pa nito.
“Sa lahat ng mga teams sa mga bagong teams welcome po sa season 3 at we are looking forward sa masayang games sa mga darating pong panahon,” pahayag naman ni UNTV CEO Kuya Daniel Razon.
Ang baway koponan ay may kanya-kanya nang napiling charitable institution na magsisilbing benipisaryo ng makukuhang premyo sakaling tanghaling kampeon.
Bukod dito ay maglalagay din ng public service booth ang mga koponan sa bawat game venue upang umasiste sa mga nangangailangan ng tulong. (Grace Casin / Ruth Navales, UNTV News)