SINGAPORE – Kasalukuyang nasa Singapore ngayon si Pangulong Benigno Aquino III para sa kaniyang dalawang araw na working visit.
Lulan ng Philippine Airlines flight PR001, dumating ang pangulo sa Changi International Airport dakong alas-11:28 nitong Martes ng umaga.
Sinalubong ang pangulo nina Philippine Ambassador to Singapore Antonio Morales, kasama ang ilang opisyal ng embahada ng Pilipinas sa Singapore at ng Singapore Foreign Affairs Ministry.
Agad na tumuloy ang pangulo sa The Istana main building para sa courtesy call kay Prime Minister Lee Hsien Loong, kasunod ang luncheon meeting kasama naman si Singapore President Tony Tan Keng Yam.
Tatayong keynote speaker ang pangulo sa gala dinner ng business publication na The Economist na dadaluhan rin ng mga negosyante at ilang lider ng iba’t ibang bansa.
Inaasahang ibabahagi ng pangulo ang kasalukuyang estado ng ekonomiya ng bansa upang makapanghikayat ng mamumuhunan upang mas mapalakas pa ang ugnayang pangkalakalan ng Pilipinas sa iba’t ibang bansa.
Inaasahang babanggitin din ni Pangulong Aquino ang reform agenda ng administrasyon at ang Mindanao Bangsamoro peace process upang makakuha ng suporta.
Bukas, araw ng Miyerkules ay magpapaunlak naman ng panayam ang pangulo sa iba’t ibang foreign media entities gaya ng The Straits Times, Channel News Asia, at BBC News.
Samantala, bago bumalik ng Pilipnas bukas ng gabi ay inaasahang haharapin din ng pangulo ang Filipino community sa Singapore upang kumustahin ang ating mga kababayan doon at ibalita ang kalagayan ng bansa sa ilalim ng kaniyang administrasyon. (Dean Harley / Ruth Navales, UNTV News)