MANILA, Philippines – Isang malawakang walkout protest ang isinagawa ngayong Huwebes ng mga manggagawa mula sa pampubliko at pribadong sektor upang ipanawagan ang muling pagbuhay sa national minimum wage.
Pinangunahan ng campaign network na All Workers’ Unity ang protesta.
Ipinanawagan ng mga manggagawa ang pagbasura sa umiiral na Wage Rationalization Law na nagtatakda ng iba’t ibang halaga ng sahod ng mga manggagawa sa bawat rehiyon, at ang pagbalik sa fixed minimum wage na P16,000.
Nakiisa ang maraming manggagawa mula sa pribadong sektor sa national walkout protest.
Ang grupong Kilusang Mayo Uno (KMU), idinaan sa pag-iingay ang protesta sa mismong tanggapan ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Ayon kay KMU Chairperson Elmer Labog, ang mababang sahod ang dahilan kung bakit nasal imang libong mga Pilipino ang nagingibang bansa araw-araw upang kumita ng mas malaki.
“Sa tingin namin ay yung cost of living sa mga rehiyon labas ng Metro Manila ay hindi naman totoo na mas mababa in some cases kung saan towards tourism ang activity halimbawa Baguio, Cebu, Tagaytay mataas yung cost of living diyan.”
Ilang kawani rin ng pamahalaan ang lumabas sa kani-kanilang trabaho nitong tanghali upang makilahok sa protesta, kabilang ang ilang empleyado ng Korte Suprema, Senate of the Philippines, Sandiganbayan, Department of Agriculture (DA), National Housing Authority (NHA), State Corporations, at iba pang government agencies.
Ayon kay Rose Nartates, presidente ng National Housing Authority Consolidated Union of Employees, karamihan sa kanila ay nasa salary grade 1 pa rin.
Ito ang mga tumatanggap lamang ng kulang sampung libong piso kada buwan.
Kapag ibinawas pa ang mandatory deductions at utang ng mga empleyado ay hindi na ito sapat para sa pang-araw araw na gastusin ng isang pamilya.
“Ito yung totoong kalagayan ng mga kawani karamihan sa mga taong gobyerno ang salary na tinatanggap buwan buwan ay nasa P4,000 saan naman makakarating yun.”
“Dati sinasabi namin P6,000, pero dahil sa dami ng bilihin, kaya dapat 16,000 talaga ang minimum. Wala daw increase. Di ba binroadcast naman nila yan, ng DBM? Sinabi nila yan na ang hinihingi naming increase, hindi magkakatotoo, pero ang tax, matatax-an pa rin kami. Isipin nyo nga, wala na kaming increase tapos may tax pa,” hinaing pa ni Jojo Guerrero, presidente ng Supreme Court Employees Association.
“Yung batas, whether gusto kita o hindi, ito po ang batas, kaya dapat sundin nating lahat,” sagot naman ni Bureau of Internal Revenue Commissioner Kim Henares.
Paliwanag ng All Workers’ Unity, labing-anim na libong piso ang hinihingi nilang minimum wage dahil kalahati ito ng daily computed family living wage o cost of living.
Ang FLW ay ang minimum na halagang kailangan ng pamilyang may anim na miyembro para sa kanilang pang-araw-araw na food at non-food needs, dagdag pa ang sampung porsyentong alokasyon para sa savings.
Base sa komputasyon ng independent think-tank na Ibon Foundation, nasa P1,083 kada araw ang FLW noong Agosto ng taong ito. (Bianca Dava / Ruth Navales, UNTV News)