MANILA, Philippines – Maagang ginunita ng National Press Club at ibang media groups ang ika-limang taon ng Maguindanao massacre sa Maynila.
Ngayong gabi ng Biyernes ay makikiisa ang mga kaanak ng mga biktima, kasama ang grupong BAYAN, Confederation of ASEAN Journalists at Burgos Media Center sa isasagawang torch parade ng NPC bilang bahagi ng paggunita sa itinuturing na pinakamadugong pamamaslang sa kasaysayan ng pamamahayag sa Pilipinas.
Magugunitang 57 katao ang walang awang pinaslang, kasama na ang 32 mamamahayag sa Maguindanao noong 2009.
Ayon kay NPC President Joel Egco, maglalakad ang grupo mula sa Taft Avenue sa Maynila patungo sa tanggapan ng Department of Justice (DOJ) at Korte Suprema.
Magkakaroon rin ng moment of silence at candle lighting sa Maguindanao massacre marker sa NPC grounds para sa mga biktima ng karumaldumal na pamamaslang.
Pagkatapos nito ay makikilahok ang mga kaanak ng mga pinaslang sa musical concert at poetry reading.
Samantala, isang wreath laying ceremony ang isasagawa sa Linggo, Nobyembre 23, para sa mga pumanaw na mga miyembro ng media sa tanggapan ng NPC.
Ipinaliwanag naman ni Egco na napagdesisyunan nilang ipagpaliban sa taong ito ang usual protest march na kanilang isinasagawa sa Mendiola bridge bilang panawagan sa mabilis na pag-usad ng Maguindanao massacre case.
Ito ay dahil apat na taon na silang nananawagan sa administrasyong Aquino, subalit hanggang ngayon ay nananatiling mailap ang pagkamit ng hustisya para sa mga biktima ng massacre. (Bianca Dava / Ruth Navales, UNTV News)