BATANGAS, Philippines — Ang internet ang isa sa mga teknolohiyang nagiging pintuan upang magkaroon ng mas malawak na kaalaman ang sinomang naghahanap ng impormasyon.
Sa isang pindot lang sa computer o sa smartphone ay magkakaroon ka na ng access sa mga bagay na gusto mo malaman hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.
Subalit sa panahong napakataas na ng antas ng teknolohiya, mayroon pa ring mga lugar sa bansa na mahina ang koneksyon ng internet.
Upang matugunan ang pangangailangang ito, ang Primestream Technology Incorporated ay gumawa ng isang satelite van upang maihatid sa mga liblib na lugar sa bansa ang mas malakas na koneksyon ng internet.
Maaaring makapag-internet ang sinoman sa tulong ng satelite van na kayang makapagbato ng Wi-Fi signal hanggang sa limang kilometro.
Pahayag ng CEO ng Primestream Technology Incorporated ni Jose Lyceus Aranal, “Makakatulong tayo na maging available ang internet sa ating mga mamamayan lalong lalo na sa mga lugar na hindi pa nararating ng internet o mahina ang serbisyo ng internet.”
Unang sinubukan ng Primestream ang satelite van sa isang barangay sa Batangas. Sa pamamagitan nito magkakaroon ng malakas na internet connection ang mga tao sa internet.
Pahayag ni Barangay Capt. Filemon Capistrano ng Barangay Latag ng Lipa City, “Ang galing para sa aming tao at barangay. Una sa aming bahay, may internet ako. Ang mga anak ko nasa malayong lugar, sa pamamagitan ng internet napakadali kaming magkaroon ng komunikasyon.”
Para naman kay Batangas Councilor Kathleen Briones, “Napakagandang innovation ang dinala ng Primestream Technology Incorporated na magkakaroon ng access ang mga tao lalo na dito sa Batangas. I’m sure hindi pa 100% naaabot ng mga telecommunication companies yung mga sulok sulok na barangay lalo na in rural areas.”
Bukod sa mobile satelite van, ikakalat din ng grupo ang tinatawag na transportable internet service base station sa mga liblib na lugar na maaaring makapag-internet. Sa halagang piso ay makakapag-internet ka na sa loob ng limang minute.
Pahayag naman ng COO ng WIT na si Joseph Maddatu, “Sa mga areas na walang internet, computer, wala tayong facility, kailangan natin ng instant classroom. We bring this there, mayroon na tayong computer, facilities — you could convert it to a laboratory. It’s like elevating poverty and the go to the country side and give them a chance to access the internet.”
Gamit ang mga naturang aparato, bibigyan rin ng pagkakataon ang sinoman na pagkakitaan ito.
Bukas ang kumpanya sa pag fa-franchise ng mobile satellite van at transportable internet service base station lalo na sa mga lugar na higit na nangangailangan nito
Sa pamamagitan ng mga naturang teknolohiya, mas magiging bukas at malawak ang kaalaman ng ating mga kababayan sa mga impormasyon na makatutulong sa kanila upang mas lalong mapaunlad ang kanilang mga buhay. (MON JOCSON / UNTV News)