MANILA, Philippines – Inakusahan ng grupong Sentinels of the Rule of Law ng paglabag sa Section 3 ng RA 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) si Mandaluyong Representative at House Majority Floor Leader Neptali Gonzales II dahil sa umano’y maanomalyang paggamit ng PDAF.
Reklamong plunder at graft and corruption na aabot sa mahigit 300-milyong piso ang isinampa ng grupo sa Office of the Ombudsman.
Ayon kay Jeffrey Indap, tagapagsalita ng grupo, naging basehan nila ang umano’y COA special audit report na inilabas noong August 2013 na nagsasabing maraming inconsistency sa mga naging proyekto ng kongresista mula 2005 hanggang 2009.
Base sa COA report, hindi na matagpuan ang mga contractor ng livelihood at financial assistance project ng kongresista.
Hindi rin sinunod ang tamang procedure sa implementasyon sa pagbili ng mga equipment para sa kanilang distrito.
Dagdag pa nito, mayroon ding ghost project ang kongresista sa mga NGO.
“Hindi na po matagpuan ang mga contructor, hindi na po alam kung san na napunta ang mga transaction at field transaction,” ani Indap.
“Marami po sa nature ng mga transaction ay hindi nagcomply sa mga procedures,” dagdag nito.
Pinabulaanan naman ni Gonzales ang paratang ng grupo.
Paliwanag nito, isinusumite na sa Commission on Audit ang mga dokumentong nakapaloob sa nasabing COA report.
“Ang ginawa namin umpisa is to get the copies na meron kasi kinuha ng SAO eh lahat ng documents sa Mandaluyong and it took us some time it’s almost 100,000 pages so, yung mga tumutulong sa akin abogado at accountant nasa process na kami ng katapusan ng aming proseso na pagsagot in accordance with what if the procedure of the COA,” anang mambabatas.
Hindi naman inaalis ni Gonzales ang posibilidad na pulitika ang nasa likod sa pagsasampa ng reklamo laban sa kanya dahil hindi lamang naman siya ang sinisiyasat ng COA.
Nakahanda namang harapin at sagutin ni Gonzales ang reklamo oras na makakuha na sila ng kopya nito sa Office of the Ombudsman. (Grace Casin / Ruth Navales, UNTV News)