MANILA, Philippines – Umaasa ang PNP-Anti Illegal Drugs Special Operations Task Force na magkakaroon ng positibong resulta ang pagkalampag ni Justice Secretary Leila De Lima sa mga opisyal at personnel ng Bureau of Corrections (BuCor).
Ito ay may kaugnayan sa pamamayagpag ng illegal drugs operation sa loob ng New Bilibid Prison (NBP).
Ayon kay AIDSOTF Legal and Investigation Division Chief P/CInsp. Roque Merdegia, malaking tulong sa ginagawang kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga kung matutukoy ng DOJ at NBI ang mga kasabwat na opisyal at tauhan ng BuCor.
“Natutuwa kami dahil sa wakas ay may nakinig sa aming mga information.” “Hindi lamang yung pamamayagpag ng ilegal na droga sa loob kundi maging sa labas ng Bilibid pero yung transaksyon o negotiation ay nangyayari sa pagitan ng mga nasa loob ng kulungan at nasa labas.”
Idinagdag pa ng opisyal na handa silang magsagawa ng operasyon laban sa ilegal na droga sa loob ng NBP kung ipag-uutos ito ng korte.
“Kung ipaguutos sa amin handa naman kaming tumulong actually ginawa na namin yan before, nagkaroon na kami ng operations sa loob nagkaroon ng mapping sa loob at nagfile tayo ng kaso sa convicted drug lord dahil nakunan natin ng shabu sa loob ng kanyang suit room,” saad pa ni Merdegia.
At dahil talamak pa rin at patuloy na namamayagpag ang mga drug lord kahit nakakulong na, pabor ang AIDSOTF na i-isolate ang mga ito sa isang isla at patawan ng death penalty.
Matatandaang noon pa sinasabi ng PNP AIDSOTF na talamak ang operasyon ng droga sa NBP at buhay hari ang mga drug lord na nakakulong dito dahil may mga telepono, laptop at naka-WiFi pa ang mga ito.
“Actually for the 9th time we proposed the re-imposition of death penalty for those convicted drug lord kasi pag big time talaga ay sobrang salot na,” saad pa ni Merdegia. (Lea Ylagan / Ruth Navales, UNTV News)