MANILA, Philippines – Signal number 2 o 3 ang tinatayang magiging storm warning signal sa Metro Manila bunsod ng Bagyong Ruby.
Sa pagtaya ng PAGASA, sa linggo ng umaga ay maaring magbuhos ito ng 400mm na tubig ulan sa loob ng ilang oras o abot sa hanggang tuhod na tubig baha.
Kung kaya’t pinaghahanda na rin ng pamahalaan ang mga mamamayan sa kalakhang Maynila.
Inatasan ni Pangulong Benigno Aquino III ang NDRRMC na pulungin ang mga alkalde ng Metro Manila na nakasasakop sa walong major water ways tulad ng sa Marikina, Quezon City, Navotas, at Pasay City.
“It’s good na na-brief kami, malinaw sa amin na in the next 48 to 72 hours, maaari pang magbago ang bagyo though mayroon namang tang daan o track niya, consistent naman with other weather bureaus,” pahayag ni Quezon City Mayor Herbert Bautista.
Sa Quezon City, ang Barangay Bagong Silangan ang unang naaapektuhan ng bagyo.
Kung sobrang lakas ang pag-ulan, 10-libong tao ang kailangang ilikas sa mga evacuation center dahil sa lampas tao na tubig baha
Kaya naman dalawang araw bago maramdaman ang hagupit ni Ruby ay nag-abiso na ng paghahanda ang barangay sa kanilang mga nasasakupan.
Hinanda na rin ang mga disaster response equipment tulad ng mga rubber boat, life vest, megaphone at iba pa.
Inihahanda na rin ang mga evacuation center, kabilang na ang mga relief goods na ipamimigay sa mga evacuee.
Samantala, nabanggit din ni Science and Technology Secretary Mario Montejo na bagaman wala pang signal number 4 na nakababa ngayon sa mga pangunahing lugar sa Visayas na maaapektuhan ng malakas na bugso ng hangin at ulan ng Bagyong Ruby, huwag maging kampante ang mga kababayan Sa Visayas at iba pang lugar tulad ng NCR dahil mabagal ang pagkilos ng bagyo at maaari pang lumakas ang pwersa nito.
Halos kapareho na ng forecast ng PAGASA ang forecast ng ibang foreign meteorological agencies.
Pare-parehong maaapektuhan ang malaking bahagi ng kabisayaan, Bicol peninsula, timugang bahagi ng Luzon at hilagang kanluran ng Mindanao.
Nanawagan naman ang mga alkalde sa Metro Manila na kung magkaroon na ng deklarasyon ang lokal na pamahalaan ng pre-emptive evacuation sa mga low-lying areas lalo na sa mga malapit sa estero at ilog ay agad na sumunod at boluntaryong magtungo sa mga inilaang evacuation center. (Rosalie Coz / Ruth Navales, UNTV News)