Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

Code red alert, ipatutupad bukas ng DOH kaugnay ng Bagyong Ruby

$
0
0

IMAGE_DEC052014_UNTV-News_CODE-RED

MANILA, Philippines – Ipatutupad na ngayong Sabado ng Department of Health (DOH) ang code red alert sa lahat ng mga pampublikong ospital sa bansa bilang paghahanda sa magiging epekto ng Bagyong Ruby.

Ibig sabihin, isang daang porsiyento ng mga health worker sa bansa ay nakahanda upang magbigay ng medical assistance sa mga lugar na maaapektuhan ng bagyo.

Bukod sa code red alert, bumuo na ang DOH ng isang buddy system kung saan inaatasan ang lahat ng mga DOH-retained hospital at regional offices na magbigay ayuda sa mga lugar na maapektuhan ng Bagyong Ruby.

Sa pamamagitan ng buddy system, magiging katuwang ng mga ospital sa MIMAROPA at Eastern Visayas ang Region 10 at National Capital Region.

Habang nakatakda namang umasiste sa Bicol Region ang Region IV-A at Cordillera Administrative Region (CAR).

Region 1 at Region IX naman ang magsisilbing katuwang ng Western Visayas Region.

Region II at XI para sa Central Visayas at Region Iii At Caraga sa Eastern Visayas.

Patuloy rin ang pakikipagugnayan ng DOH sa mga lugar na posibleng tamaan ng bagyo upang masiguro ang kahandaan ng bawat ospital, at tiyaking sapat ang suplay ng mga gamot at kagamitan ng mga ito.

Tinatayang nasa mahigit 200-milyong pisong halaga na rin ng mga gamot at medical supplies ang naipamahagi na sa iba’t-ibang lugar sa bansa.

Habang nakaantabay na rin ang mga motorsiklo at mga bisikleta sa bawat municipal at provincial health offices upang magsilbing agarang transportasyon sakaling magkaroon ng emergency cases.

Nakipagpulong na rin ang DOH sa World Health Organization (WHO) at iba pang international partners, para sa iba pang hakbang na maaring magawa sakaling kailanganin ang tulong ng mga ito.

Tiniyak naman ni Acting Health Secretary Janette Loreto-Garin sa publiko na ginagawa na ng pamahalaan ang lahat ng paraan upang malingap ang mga kababayan natin na maapektuhan ng kalamidad.

“We have to assure our people that the government is here, the government has been is meeting, health wise we are prepared,” saad ng kalihim. “Kung merong masaktan at may mangyari, bukas po lahat ng hospitals,” dagdag nito.

Para sa emergency cases, maaaring makipagugnayan sa DOH hotline numbers 711-1001. (Joan Nano / Ruth Navales, UNTV News)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481