MANILA, Philippines – Malaking porsyento ng mga Pilipino ang nagpahayag na hindi sila nawawalan ng pagasa at nagsasabing positibo nilang haharapin ang 2015 sa kabila ng mga hamon ng buhay na kanilang naranasan sa taong 2014.
Batay sa pinakahuling survey na isinagawa ng Pulse Asia sa 1, 200 respondents noong November 14 hanggang Nov. 20, lumabas na 88% o siyam sa sampung mga Pilipino ang nagsabing haharapin nila ang taong 2015 na may pag-asa, samantalang isang porsyento lamang ang kumontra dito.
Ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda, sa kabila ng mga hamon na dinanas ng Pilipinas ngayong 2014, patunay ang naturang survey na ugali ng mga Pilipino ang hindi nagpapatalo sa mga pagsubok sa buhay.
“Hope and optimism have always been characteristic of the Filipino people, who, throughout history, have consistently refused to give in to negativity, or to be cowed by challenges.”
Sinabi rin ng Malakanyang na ipagpapatuloy nila ang pagpapatupad ng reporma tulad ng kanilang ginagawa sa nakalipas na apat at kalahating taon upang kilalanin ang nananatiling pag-asa ng mga Pilipino.
“As we have been doing in the past four and a half years, we will continue to implement reform in order to honor the enduring optimism of our countrymen,“ saad pa ni Lacierda.
Ang naturang survey ay isinagawa sa kasagsagan ng mga isyu tulad ng imbestigasyon ng senado sa umano’y overpriced na Makati City Hall na kinasangkutan ni Vice President Jejomar Binay, ang pagtutulungan ng mga bansa upang mapigilan ang pagkalat ng Ebola virus, at ang pagbaba ng singil sa kuryente ng MERALCO. (Nel Maribojoc / Ruth Navales, UNTV News)