MANILA, Philippines – Nilagdaan na ni Pangulong Benigno Aquino III para maging isang ganap na batas ang Enhanced Basic Education Act of 2013.
Ang Repulic Act No. 10533 o mas kilala sa tawag na K-12 Law ay pormal nang pinairal sa bansa.
Nakapaloob sa K-12 program ang universal kindergarten, at dagdag na dalawang taon sa high school.
Ayon kay Pangulong Aquino, malaki ang maitutulong nito sa mga kabataang mag-aaral.
“Sa pagsasabatas ng K-12, hindi lang tayo nagdaragdag ng dalawang taon para sa higit pang pagsasanay ng ating mga mag-aaral; tinitiyak din nating talagang nabibigyang-lakas ang susunod na henerasyon na makiambag sa pagpapalago ng ating ekonomiya at lipunan.”
Inihayag din ng pangulo ang naging kakulangan ng dating sistema ng edukasyon sa bansa.
“Mulat po tayo sa mga kakulangan ng kinalakihan nating 10-year basic education cycle. Bukod sa lugi ang ating mga mag-aaral sa bilang ng taon para lubusang maunawaan ang kanilang mga leksyon, puwersado pa silang makipagkompitensya sa mga graduate mula sa ibang bansa na ‘di hamak na mas matagal at mas malalim ang naging pagsasanay,” pahayag pa ni Pangulong Aquino.
Taong 2011 nang pasimulan ang mandatory kindergarten sa bansa sa ilalim ng K-12 program ng Department of Education (DepED).
School year 2012 to 2013 naman ng simulang gamitin ang bagong curriculum ng grade 1 at 7. (Nel Maribojoc & Ruth Navales, UNTV News)