MANILA, Philippines – Ininspeksiyon ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang isang shopping center sa San Juan City.
Tiningnan ng mga ito ang mga itinitindang pailaw upang masigurong hindi sub standard ang mga ibinibenta dito.
Ayon kay F/SSupt. Igmedio Bondoc, hepe ng Fire Safety Enforcement Division, mahalagang matiyak na pasado sa safety standards ang mga pailaw upang makaiwas sa peligro.
“Kung maaari ay hindi tayo magkasunog sa pamamagitan ng mga paputok at sub-standard na Christmas lights.”
Kasama rin sa mga ininspeksiyon ng BFP ang mga daanan kung ito ay nahaharangan ng mga paninda na posibleng makaabala sa panahong kailangang magresponde ng mga bumbero.
“Mino-monitor nila ito at mini-maintain ang distance ng mga nagtitinda doon, at kung sila po ay lalampas sa ganitong distance ay pinupuntahan agad ng kanilang marshal upang i-correct,” saad pa ni Bondoc.
Kasama ang tagapangasiwa ng establisyimento, siniyasat din ang mga fire exits at mga firefighting equipment ng mga ito gaya ng fire extinguisher.
“Periodically meron silang inspection dito sa amin,” saad ni Ding Solina, Chief Security ng Ortigas and Company.
“Yung number one trust namin ay to secure the public para sa kanilang safety at security,” dagdag nito.
Kasabay ng pagiinspeksyon ay sinamantala na rin ng mga tauhan ng BFP ang pamamahagi ng leaflets na naglalaman ng mga tip upang makaiwas sa sunog ngayong holiday season.
Nakasaad rin sa leaflets ang mga telephone number na maaaring tawagan sa panahong kailanganin ng responde ng mga bumbero. (BFP NCR- 02-310-93-01 / 02-410-63-19). (Lea Ylagan / Ruth Navales, UNTV News)