SYDNEY, Australia – Tatlo ang kumpirmadong nasawi, habang apat ang nasugatan sa nangyaring hostage drama sa Lindt Chocolate Café sa Martin Place sa Sydney, Australia na tumagal ng labing anim na oras.
Bandang alas-12:30 ng madaling araw sa Australia (11PM sa Pilipinas) ay pinasok ng New South Wales Police ang nasabing café matapos makarinig ng putok ng baril sa loob nito.
Sa pagpasok ng mga pulis kitang-kita na isa-isa ng lumalabas ang mga hostage na ang ilan ay sugatan.
Ayon sa mga pulis, aabot sa labingpito ang na-hostage, tatlo dito ang kumpirmadong nasawi kabilang na ang hostage taker na kinilalang si Man Haron Monis alyas “Shiekh Haron”, na isang self-styled Muslim cleric at Iranian refugee.
Ayon kay Australian Prime Minister Tony Abott, may history na ang suspek sa paggawa ng krimen.
“What we do know is that the perpetrator was well known to State and Commonwealth authorities. He had a long history of violent crime, infatuation with extremism and mental instability.”
Si Man Haron Monis, ay naharap sa kasong harassment matapos nitong amining pinapadalhan niya ng mapang-insultong sulat ang pamilya ng mga nasawing Australian service member.
Noong 2013, kinasuhan rin siya bilang accessory sa pagpatay sa dati nitong asawa subalit nakalaya matapos umanong mag-piyansa.
Inaresto rin siya sa kasong sexual assault noong 2002 at naharap sa iba pang sex-related complaints.
Sinimulan nang imbestigahan ng Australian police ang nangyaring hostage drama.
“We need to actually find out what’s happened here and what’s happened inside that cafe. It’s not time to speculate or to develop theories. We are going to work through the facts and we will advise you as soon as we can,” pahayag ni Andrew Scipione, NSW police commissioner.
Nitong Setyembre, isinailalim sa heightened alert ang Australia dahil sa terror threat.
Nito lamang nakaraang buwan, mahigit isandaang Australian rebels na hinihinalang nakikipag-ugnayan o sympathizer ng rebeldeng ISIS, ang nahuli sa crackdown operations ng pulisya.
Sa ngayon ay sarado pa ang mga establisiyimento sa central business district sa Sydney habang patuloy na sinusuyod ng mga awtoridad kung totoong may iniwang pampasabog ang suspek.
Samantala, kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na walang Pilipinong kasama sa mga hinostage batay na rin sa ulat ng New South Wales Police. (Nina Del Rosario / Ruth Navales, UNTV News)