Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

VP Binay, muling kinasuhan ng plunder sa Ombudsman

$
0
0

FILE PHOTO: Si Vice President Jejomar Binay sa naganap na proclamation rally ng Union Nationalist Alliance (UNA) sa Plaza Independencia, Cebu City noong February 12, 2013. (JAMES VERCIDE / Photoville International)

MANILA, Phlippines – Isa na namang reklamo ang haharapin ni Vice President Jejomar Binay matapos itong kasuhan ng plunder ni dating Makati City Bgy. Chairman Renato Bondal kaugnay ng maanomalyang Makati City Science High School.

Sa inihaing reklamo ni Atty. Bondal sa Office of the Ombudsman, nais nitong kasuhan ng plunder si Vice President Jejomar Binay at dalawampung kasalukuyan at dating councilors ng Makati, gayundin ang sampung executives ng Hilmarc’s Construction Corporation.

Giit ni Bondal, overpriced ang pondong nagkakahalaga ng P862-million na ginamit sa construction ng Makati City Science High School noong 2007.

“Gaya ng nakasaad dito sa aming demanda, nakikita namin na dapat P400 million plus lang iyong proyekto, lumabas ang nagastos ay P1.33 billion.”

Hindi rin umano sumailalim sa tamang bidding process ang pagpapatayo sa gusali, at napaboran ang Hilmarc’s Construction Corporation, ang nagtayo ng kontrobersiyal na Makati City parking building II.

Ayon din kay Bondal, kung pagbabasehan ang construction industry guidelines, ang pagpapatayo ng isang paaralan ay aabot lamang ng P25,620 per square meter ang halaga. Ngunit ayon sa mga dokumento, umabot ng P72,500 per square ang presyo ng naturang gusali.

Nito lamang November 15 ay nagsagawa ng ocular inspection sina Sen. Antonio Trillanes IV at Sen. Koko Pimentel sa naturang paaralan at natuklasang hindi pa kumpleto ang mga gamit sa loob nito.

Magugunitang una na ring naghain ng plunder complaint sina Bondal sa Ombudsman ukol naman sa maanomalyang konstruksyon ng Makati City parking building II na inimbestigahan na rin ng Senate Blue Ribbon Sub-Committee.

“I think malapit na ring administrative aspect kasi pinagsubmit na kami ng position paper… I think kinukumpleto na lang iyong quantitative report dun sa cost ng building at magkakaroon na ng preliminary investigation,” pahayag pa ni Bondal.

Kaugnay nito ay hinihiling din ng kampo ni Bondal na patawan ng preventive suspension ng Ombudsman si Vice President Binay, upang mapangalagaan ang mga ebidensyang maaaring magamit sa imbestigasyon.

Hindi naman aniya nababahala ang bise presidente sa mga nasabing reklamo at sinabing handa niyang harapin ito. (Joyce Balancio / Ruth Navales, UNTV News)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481