MANILA, Philippines – Ipinauubaya na ng Malacañang sa Department of Justice (DOJ) ang malalimang imbestigasyon kaugnay sa natuklasang marangyang pamumuhay ng ilang bilanggo sa New Bilibid Prison (NBP).
Ayon kay Presidential Communication Secretary Herminio Coloma Junior, hihintayin nila ang magiging resulta ng imbestigasyon ng DOJ, maging ang mga opisyal ng pamahalaan na dapat managot dito.
“Ayon kay Secretary De Lima puspusan ang pagsisiyasat na isinasagawa at ang lahat ng mga responsable sa mga iligal na gawain ay pananagutin at paparusahan.”
Samantala, isa sa nakikitang solusyon ng Malacañang sa mga problemang nakita ng DOJ partikular ang VIP treatment sa NBP ay ang planong pagtatayo ng isang modernong pasilidad sa Nueva Ecija.
“Ilang buwan lang ang nakararaan ay nagpasya ang ating NEDA board hinggil dun sa pagtatayo ng isang modernong pasilidad sa lalawigan ng Nueva Ecija na tutukuyin ang pagkakaroon ng isang makabago at epektibong sistema ng confinement,” saad pa ni Coloma.
Batay sa Public-Private Partnership program (PPP), ang P50.18 billion modern prison facility ay itatayo sa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija.
Bukod sa modernong security equipment, kaya nitong mag accommodate ng aabot sa 27-libong bilanggo.
Tatagal umano ang konstruksiyon ng tatlong taon at dito ililipat ang mga bilanggo mula sa New Bilibid Prisons sa Muntinlupa.
Ang maximum capacity ng NBP ay nasa halos siyam na libo lamang ngunit sa ngayon ay mahigit dalawampung libong inmates ang nakapiit dito.
Sa kasalukuyan ayon sa PPP, ipapasok na sa proseso ng bidding ang pagtatayo ng naturang pasilidad. (Nel Maribojoc / Ruth Navales, UNTV News)