MANILA, Philippines – Muling tiniyak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nasa loob pa rin ng Camp Aguinaldo sa Quezon City si U.S. Marine Private First Class Joseph Scott Pemberton na kinasuhan ng murder kaugnay ng pagpatay sa transgender na si Jeffrey Laude alyas “Jennifer”.
Nitong Lunes ay pormal nang kinasuhan ng murder sa Olongapo City Regional Trial Court si Pemberton.
“The accused cannot leave the premises unless the Philippine government and the U.S. government say so,” pahayag ni AFP Spokesman Col. Restituto Padilla Jr.
Sa ngayon ay patuloy na naghihintay ang pamilya Laude kung kailan ilalabas ng korte ang arrest warrant laban kay Pemberton.
Ayon sa tagapagsalita ng AFP, susundin nila anuman ang ipag-utos ng korte batay sa Visiting Forces Commission, Department of Foreign Affairs (DFA), at Department of National Defense (DND).
Dagdag pa ni Padilla, mahigpit ang pagbabantay sa Amerikanong sundalo na kasalukuyang nakaditene sa pasilidad ng Philippine-US Mutual Defense Board (MDB) sa loob ng Camp Aguinaldo.
“May nagsasabi na medyo hindi maganda yung kaniyang kalagayan dahil nalulungkot talaga siya, so sinisigurado lang po na wala siyang gagawing masama sa sarili niya.”
Ayon pa kay Padilla, bagama’t nasa loob ng isang detention facility si Pemberton ay may pagkakataon itong lumabas upang mag-ehersisyo.
“Alam namin, binibigyan po siya ng pagkakataong maarawan at makapag-exercise ng kaunti, siguro mga isang oras sa bawat isang araw.”
Samantala, batay sa isang artikulo sa website ng U.S. Embassy, tiniyak ng embahada ang pakikipagtulungan sa pamahalaan ng Pilipinas upang makamit ang katarungan at mapangalagaan ang karapatan ng bawat isa. (Rosalie Coz / Ruth Navales, UNTV News)