ILIGAN CITY, Philippines – Na-recover na ng mga awtoridad ang mga high-powered firearms na ginamit sa pag-ambush kay Iligan District Rep. Vicente Belmonte Jr. noong December 12.
Ayon kay CIDG Northern Mindanao Regional Chief, P/SSupt. Alexander C. Tagum, na-recover nila ang apat na high-powered firearms matapos umamin sa krimen ang suspek na si Dominador Tumala.
“During his judicial confession kahapon, inamin nya na he is one of the look out and during the course of the ambush nag-malfunction yung baril nya, which further prove na totoo yung sinabi nya.”
Ayon pa kay Tagum, kabilang sa kanilang narecover ang dalawang M16 Baby Armalite, isang M16, isang carbine, isang granada at isang set ng uniform.
Ayon kay Senior Supt. Leonilo Cabug ng PNP Misamis Oriental, isa sa mga baril na ito ay pag-aari ng security guard ni Belmonte na pinatay bago ang pananambang.
“Ito talaga solve na ang kaso kasi nandito na suspek, andito na firearms mga ebidensya natin nandito na lahat so magfile na tayo ng kaso now or tomorrow.”
Kasong multiple murder at frustrated multiple murder ang isasampa kay Tumala.
Hawak na rin umano ng CIDG Northern Mindanao ang mga pangalan na kasama ni Tumala sa pananambang.
Samantala, pinakawalan na rin ang dalawa sa mga nahuling suspek na sina Tata Dokumento at Rene Harreol dahil sa kawalan ng sapat na ebidensya, at parehong may deperensiya sa pag-iisip. (Weng Fernandez / Ruth Navales, UNTV News)