OLONGAPO CITY, Philippines – Naisagawa na kanina ang standard procedure tulad pagkuha ng mug shots at fingerprints kay Lance Corporal Joseph Scott Pemberton sa Olongapo Regional Trial Court (RTC).
Nakasuot si Pemberton ng gray suit.
Ayon kay Atty. Virgie Suarez, tahimik lamang ang nakaposas na si Pemberton habang isinasagawa ang booking process.
Ayon sa pamilya Laude, halo-halong emosyon ang kanilang naramdaman nang makita ng personal si Pemberton.
“Galit na galit, nanginginig sa galit talaga kaya lang hindi mo malapitan dahil cellphone namin kino-confiscate,” mariing pahayag ni Marilou, kapatid ni Jeffrey.
Kaugnay nito, mahigpit na seguridad naman ang ipinatupad ng Philippine National Police kay Pemberton patungo ng Olongapo City at pabalik sa Camp Aguinaldo sa Quezon City.
Sa Lunes (Dec. 22), alas-2 ng hapon ay magsasagawa ng pagdinig sa Olongapo RT kung saan diringin ang inihaing mosyon ng kampo ni Pemberton na supendihin ang proceedings.
Samantala, nakatakda ring magsumite ng mosyon ang pamilya Laude upang hilingin sa korte na payagan ang media na papasukin sa loob ng korte habang isinasagawa ang arraignment.
“Hindi tama na kahit anong paglilitis ay hindi pagpupubliko dahil nakasaad naman sa karapatang pantao na si Pemberton mismo na sa pampublikong paglilitis at ang sambayanang Pilipino ay may karapatan,” giit ni Atty. Harry Roque, abugado ng pamilya Laude.
Kabilang rin sa mosyon ng mga Laude na dapat manatili sa korte ang kustodiya kay Pemberton at makulong ito sa Olongapo City Jail.
Iginiit ni Roque na wala ng karapatang makialam ang ibang ahensya ng gobyerno tulad ng DFA dahil nasa korte na ang kaso ni Pemberton. (Joshua Antonio / Ruth Navales, UNTV News)