MANILA, Philippines – Nagpahayag ang ilang kongresista ng pagnanais na makuha ng Pilipinas ang kustodiya kay US Marine Private First Class Joseph Scott Pemberton na akusado sa pagpatay kay Jeffrey Laude alyas Jennifer sa Olongapo City noong Oktubre.
Nakasaad sa 23 pahinang resolusyon na inilabas ng Olongapo City Prosecutor’s Office, kinakitaan ng korte ng probable cause upang sampahan ng kasong murder ang US Marine.
Ayon kay Deputy Minority Leader Neri Colmenares, nangangamba siya na kung hindi kaagad matatapos ang paglilitis sa kaso makalipas ang isangtaon ay malaya nang makakabalik ng Amerika si Pemberton.
Base ito sa nakasaad sa Articles 5 at 6 ng Visiting Forces Agreement (VFA).
“Anong klaseng agreement yun, na nagsasabi ka na kapag may nagawang krimen ang Amerikano, ang custody sa Amerikano pero dapat tapusin nyo ang trial nyo in one year time then after one year wala na kaming obligasyon na i-present yung akusado sa korte nyo. I mean not only unjust to the family of Laude but also unjust to the Filipino people,“ pahayag ni Colmenares.
Nais naman ni Kabataan Party-list Rep. Terri Ridon na ilipat sa regular na kulungan si Pemberton habang dinidinig ang kaso, gaya ng mga regular na akusado na nakagawa ng krimen sa bansa.
Sa mga naunang pahayag si Justice Secretary Leila De Lima, maging siya ay nais makuha ng Pilipinas ang kustodiya kay Pemberton upang matiyak na mapananagot ito sa krimen na kanyang nagawa. (Grace Casin / Ruth Navales, UNTV News)