Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

Pagtataas ng pasahe sa MRT at LRT sa Enero, maaari pang ipatigil ng Kongreso

$
0
0

FILE PHOTO: MRT and Passengers (UNTV News)

MANILA, Philippines – Maaari pang ipatigil ng kongreso ang nakatakdang pagtataas ng pasahe sa MRT at LRT sa Enero 4, 2015.

Ayon kay House Deputy Minority Leader Neri Colmenares, may kapangyarihan ang kongreso na panghimasukan ang anumang batas na ipinasa ng kongreso.

Kaya naman sa lalong madaling panahon ay nananawagan ang kongresista na magsagawa ng special session upang talakayin ang House Resolution No.111.

Ito ay upang magsagawa ng imbestigasyon ang House Committee on Transportation sa pagtaas ng pasahe sa MRT at LRT.

“Congress can always intervene eh, bakit? Congress has a oversight function sa lahat ng batas na ipinasa nya,” ani Colmenares.

Ipatatawag ng kumite ang DOTC at pagpapaliwanagin kung ano ang kanilang basehan sa fare hike gayung may pondong inilaan sa kanila ang kongreso na nakapaloob sa 2015 General Appropriations Act.

“Nagbigay kami ng pondo para sa rehabilitation ng LRT, nagbigay kami ng pondo para pambili ng mga bagon, mga riles for better service tapos sasabihin nila kailangan naming maningil para umunlad ang service? So bale wala pala ang pondong ibinigay sa inyo,” saad pa ng mambabatas.

Handa namang sumunod at makipagtulungan ang DOTC sa kongreso sakaling ipatawag at pagpaliwanagin.

“Karapatan naman ng kongreso yan magpatawag ng hearing… kung may TRO hindi naman ipapatupad, pag meron,” saad naman ni DOTC Secretary Jun Abaya.

Kinontra naman ng Malakanyang na magsagawa ng special session ang kamara ngayong December break.

Ayon kay Presidential Communication Secretary Herminio Coloma Junior, wala na dapat siyasatin hinggil sa naturang usapin dahil may batayan at makatuwiran ang pagtataas sa singil sa pasahe na matagal nang dapat ipinatupad. (Grace Casin / Ruth Navales, UNTV News)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481