EASTERN SAMAR, Philippines – Alas-10:50 ng umaga ngayong Lunes nang dumating si Pangulong Benigno Aquino III sa Dolores, Eastern Samar.
Nais ng pangulo na personal na alamin ang kalagayan ng ating mga kababayang naapektuhan ng Bagyong Ruby sa Eastern Samar.
Kasama si DSWD Secretary Dinky Soliman, nagtungo ang pangulo sa bayan ng Dolores at Borongan kung saan unang nag-landfall ang bagyo.
Pinangunahan ng pangulo ang pagbibigay ng shelter fixing kits na naglalaman ng 30-metrong lubid, trapal, martilyo, pako at iba pang gamit na pangkumpuni sa mga nasirang bahay.
Namigay naman ng hygiene kits ang DWSD katuwang ang International Organization for Migration.
Nagbigay rin ang pangulo ng tseke na nagkakahalaga ng mahigit P40-milyon sa lokal na pamahalaan ng Dolores, habang mahigit P68-milyon naman Borongan.
Ang pondo ay para sa cash for work program sa mga biktima ng Bagyong Ruby.
Ang lalawigan ng Samar ang pinakanaapektuhan ng pananalasa ng Bagyong Ruby, kung saan umaabot sa dalawang bilyong piso ang kabuuang pinsala.
Sa ngayon ay 23 na bayan pa sa lalawigan ang hindi pa rin naibabalik ang supply ng kuryente. (Jenelyn Gaquit / Ruth Navales, UNTV News)