MANILA, Philippines – Naging maikli lamang ang programa sa Luneta Park, Martes, para sa paggunita ng kamatayan ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal.
Tema ng programa ngayong taon ay “Rizal 2014: Dunong at Pusong Pilipino”.
Pinangunahan ni Pangulong Benigno Aquino III ang paggunita sa ika-118 anibersaryo ng kabayanihan ni Rizal.
Ala-7 ng umaga nang pangunahan ng pangulo ang flag raising ceremony sa Rizal Park kasama ang ilang opisyal ng pamahalaan kabilang sina Vice President Jejomar Binay, Department of National Defense Sec. Voltaire Gazmin, AFP Chief of Staff General Gregorio Catapang Jr, at National Historical Commission of the Philippines Chairperson Dr. Maria Serena Diokno.
Kasunod nito ay isinagawa ang pag-aalay ng pangulo ng bulaklak sa bantayog ng ating pambansang bayani.
“Napakagandang pagkakataon ito ginugunita natin ang ating national hero na kahit saan mang dako sa mundo talagang maipagmamalaki mo yung kaniyang nagawa, yung kaniyang karunungan ay talagang kahanga-hanga,” pahayag ni Vice Pres. Jejomar Binay.
Kasama ring sumaksi sa programa ang mga kaapu-apuhan ng mga kapatid ni Jose Rizal,
Kasama rito si Gemma Cruz Araneta na kaapu-apuhan ni Doña María na isa sa mga kapatid ng ating pambansang bayani.
Nakiusap naman si Gemma sa mga kabataan na huwag sanang kalimutan ang ginawang kabayanihan ni Gat Jose Rizal.
“Andami ngang itinuro sa atin ni Jose Rizal na hindi na natin sinusunod sana na lang kung ating gagampanan nung lahat ng kaniyang itinuro sa atin baka naman siguro mas mahusay ang kalagayan ng ating bayan,” saad nito. (Nel Maribojoc / Ruth Navales, UNTV News)