MANILA, Philippines – Iniulat ni Pangulong Benigno Aquino III ang ilang reporma at programa ng pamahalaan na naisakatuparan ng administrasyon sa nakalipas na isang taon.
Sa mensahe ng pangulo bago magpalit ang taon, inihayag nito na nakuha ng bansa ang kabuuang 21+ credit rating mula sa malalaking credit rating agencies.
Ayon sa Pangulo, nangangahulugan ito ng positibong pananaw mula sa international community partikular sa mga nag-iibig na mag-invest sa Pilipinas.
Dagdag ng pangulo, naisulong ng administrasyon sa taong ito ang usapang pangkapayapaan sa Mindanao matapos lagdaan ang Comprehensive Agreement on the Bangsamoro, gayundin ang pagtugon sa pangangailangan sa edukasyon bunsod ng K-12 program ng Department of Education (DepED).
Maging ang mga malalaking infrastructure project ng pamahalaan sa ilalim ng Public-Private Partnership Program (PPPP) ay ibinida rin ng Pangulo.
“Sa atin namang Public-Private Partnership program: Ang dating iniiwasan, ngayon, nililigawan. Mula Disyembre 2011 hanggang Disyembre 2014, walong (8) PPP projects na ang nai-award at nalagdaan ng inyong pamahalaan. Ang halaga nito: mahigit 127 bilyong piso. Sa apat na taon natin sa tuwid na daan, nahigitan na natin ang pinagsamang anim (6) na aprubadong solicited PPP projects mula sa nakaraang tatlong administrasyon.”
Pinasalamatan rin ng pangulo ang mga first responder, volunteer at iba’t-ibang grupo na tumulong sa mga nakaraang kalamidad na naranasan ng bansa katulad ng pagragasa ng Bagyong Ruby.
Muli namang umapela ang pangulo sa mamamayan na patuloy na magmatyag sa nangyayari sa bansa.
“Mga Boss, patuloy sana tayong maging mapanuri at mapagmatyag. Sa pagpasok natin sa ikalimang taon ng ating pamahalaan, tiwala akong malinaw na sa inyo kung sino ang mga tunay na kakampi ng taumbayan, at kung sino ang nagpapanggap lang. Ngayong napipitas na natin ang positibong bunga ng pagtahak sa tuwid na landas, mga Boss, lilihis pa ba tayo?”
Sa huli ng mensahe, nakiusap rin si Pangulong Aquino sa publiko na huwag na sanang gumamit ng paputok sa pagpapalit ng taon.
“Mga Boss bago ako magtapos may pakiusap sana ako sa inyo. Sana naman iwasan na natin ang pagpapaputok ngayong Bagong Taon. Isipin natin ang naidudulot nito sa ating kapwa at kapaligiran. Nariyan ang kalat at makapal na usok na nagbubungsod ng matinding polusyon pati na ang malalakas na ingay na maaring makapinsala sa pandinig ng iba. Higit sa lahat, nagdudulot din ito ng peligro sa ating mga kababayan na kung tutuusin ay hindi naman kailangan,” saad nito. (Nel Maribojoc / Ruth Navales, UNTV News)