QUEZON CITY, Philippines – Umabot sa 25 ang bilang ng mga pasyenteng isinugod sa Quezon City General Hospital (QCGH) sa pagpapalit ng taon.
Simula hating-gabi ay halos magkakasunod na isinugod sa QCGH ang mga pasyenteng naaksidente dahil sa paputok, banggaan at gulo.
Ilang kabataan at katandaan ang nasugatan dahil sa mismong pagpapaputok, habang nadamay lang ang iba.
“Usually kasi ang mga bata, sila ang mahilig mag-experiment so yung gusto nila mga bago, try nila iba-iba pasabugin ng malakas,” pahayag ni Dr. Katherine Villanueva-Natividad, surgeon sa QCGH.
Bukod dito ay may mga isinugod din na biktima ng saksak, pambubugbog at vehicular accident.
Noong nakalipas na taon, pumalo din sa 25 ang bilang ng mga biktima ng paputok base sa tala ng QCGH.
Ayon sa pamunuan ng nasabing ospital, dapat ay laging paalalahanan ang mga bata maging ang mga matatanda na maging maingat sa lahat ng oras upang makaiwas sa trahedya. (Rosalie Coz / Ruth Navales, UNTV News)