MANILA, Philippines – Pagsapit ng alas-12 ng hatinggabi ng papasok January 1 ay sunud-sunod na ang mga isinusugod sa East Avenue Medical Center.
Iba’t ibang kaso ng pasyente ang dala ng nagmamadaling ambulansya, taxi at tricycle na ibinababa sa emergency room ng ospital.
Nitong madaling araw ng Huwebes, isinugod sa ospital ang isang 18-taong gulang na babaeng nakilala sa pangalang Marilous Mezola, at isang 5 taong gulang na bata, residente ng Banaba, QC.
Isang 32 taong gulang na lalake na nagngangalang Jaime De Jesus Jr. ang kumpirmadong tinamaan ng ligaw na bala sa kanang kamay.
Batay sa kwento ng kaibigan nito na si Jesus Dimasuhid, galing sa labas ng bahay ang biktima at bigla na lang pumasok at sinabing may tama siya sa kamay.
“Dumudugo po talaga malakas ang dugo, pagdating nya tinali na niya ng tela kasi daw parang masakit daw dumudugo kaya sinugod na namin sya.”
Matatandaang noong pagpasok ng taong 2013 ay nasawi sa nasabing ospital ang batang si Stephani Nicole Ella matapos tamaan ng ligaw na bala sa ulo.
Samantala, nangngunguna pa rin sa mga paputok na ginamit ng mga biktima ng paputok ay ang ipinagbabawal na piccolo.
68 years old ang pinakamatandang naputukan ng kwitis, habang 2 taong gulang naman ang naputukan ng luces.
Wala namang naitalang naputulan ng daliri sa mga ito.
Nagpaalala naman ang Dr. Alfonso Nuñez, head ng Emergency Department Trauma-Center ng East Ave. Medical Center sa mga pasyenteng nagpipilit na umuwi sa kabila ng malubhang kalagayan.
Aniya, delikado sa pasyente ang agad na umuwi ng bahay dahil malaki ang posibilidad na nagkaroon ang mga ito ng mas malalang impeksyon na posibleng mauwi sa kamatayan kung mapabayaan.
“Ito yung bone saw para sa mga naputukan inaayos namin ito naman yung cutter kapag iti-tream namin yung buto ito yung gunagamit namin, ito naman pag iti-trim namin ung laman kung naputukan at nakalabas ung ibang laman na madumi o patay ito ang ginagamit namin na pang clean,” saad nito.
Samantala, marami rin ang mga naging biktima ng vehicular accident, at dalawa dito ay mga ata na 10-taong gulang pababa.
Nagtamo ang mga ito ng minor injury kaya agad namang napauwi sa kanilang bahay. (Grace Casin / Ruth Navales, UNTV News)