MANILA, Philippines – Sinimulan nang ipatupad nitong Linggo ng Department of Transportation and Communication (DOTC) ang P11.00 base fare at pisong dagdag pasahe sa bawat kilometro ng biyahe ng MRT at LRT.
Iba’t iba ang naging reaksyon ng mga commuter sa bagong fare increase.
Marami sa mga regular na pasahero ng MRT at LRT ang nabigatan sa laki ng itinaas ng pamasahe.
Ayon sa kanila, malaki ang epekto nito sa kanilang mga budget.
Para kay Joyce Salvador,”Sobra yung pataas. Hindi po dapat ganoon kataas.”
Hinain naman ni Ginang Maria Sandra, “Masyadong malaki (epekto ng pagtaas ng pamasahe sa MRT-LRT) para sa katulad naming walang trabaho.”
Mula sa dating P15.00, umakyat na ngayon sa P28.00 ang pasahe sa MRT mula North Avenue hanggang Taft Avenue Stations.
Umakyat naman sa P30.00, mula sa dating P20.00 ang singil sa LRT-1 na biyaheng Baclaran to Roosevelt, habang P25.00 naman ang bayad mula Recto hanggang Santolan stations ng LRT-2.
Bagama’t malaki ang itinaas ng pamasahe, mas pinipili pa rin ng ilan nating mga kababayan na sumakay ng MRT at LRT upang makaiwas sa masikip na daloy ng trapiko.
Samantala, umaasa naman ang ilan na kasunod ng dagdag pasahe ay magkaroon na ng mas maayos na serbisyo at mga pasilidad ang LRT at MRT.
Ani Faiz Algrabre, “Inaasahan namin improvement. So, di pa natin makikita ngayon dahil kung tutuusin ngayon palang nagtaaas eh. We’ll never know a month or two kung makikita natin may improvement sa service nila.”
Gayun din naman si Ginoong Flor Valencia,”Sana pagandahin yung serbisyo nila.” (Earl Camilo / Ruth Navales, UNTV News)