Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

Labi ng mga nasawing Filipino seafarer mula sa lumubog na barko sa Vietnam, kinilala na

$
0
0

Ang 2 Filipino seafarers na nasawi sa paglubog ng Bulk Jupiter. (PHOTO CREDITS: Gear Bulk)

MANILA, Philippines – Kinilala na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang dalawa sa mga nasawing Filipino seafarer sa lumubog na barko sa Vietnam noong Biyernes.

Kabilang sa mga nasawi sina Captain Ronell Acueza Andrin, 45 anyos, at si 3rd Officer Jerome Maquilan Dinoy, 23 anyos, habang nasa pangangalaga naman ngayon ng Vietnam Maritime Search and Rescue Coordinating Center ang chief cook ng barko na nakaligtas.

Kinilala ang survivor na si Angelito Roxas na sa ngayon ay nasa state of shock pa rin dahil sa pangyayari.

Ayon kay DFA Spokesperson Charles Jose, sa kasalukuyan ay inaasikaso na ng pamahalaan ng Vietnam at ng Magsaysay Maritime Corporation ang pagpapauwi sa mga labi ng dalawang nasawing Pilipino gayundin kay Roxas.

“We will be extending consular assistance in the case of 2/ deceased will be providing consular mortuary certificate for the repatriation of the remains,” saad nito.

Bukod sa DFA at sa Magsaysay Maritime Corporation, magbibigay din ng tulong ang iba pang ahensya ng pamahalaan para sa pamilya ng mga nasawi.

Sa ngayon ay patuloy ang isinasagawang search and rescue sa labing anim na nawawalang tripulante ng lumubog na Bulk Jupiter.

Tuloy-tuloy rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang sanhi ng paglubog ng barko.

Pinag-aaralan na rin ng pamahalaan ang pagpapadala ng tulong sa ginagawang search effort ng Vietnam.

“The Vietnam Navy added three helicopters to the search efforts today and is calling on other countries in the area to help in the search. We are asking Secretary of National Defense if we can extend assistance, tinitingnan ngayon ng SND,” saad ni Presidential Spokesperson Sec. Edwin Lacierda.

Samantala, kinumpirma rin ng DFA na may isang Pilipino na nadamay sa isa pang lumubog na barko sa Scotland.

Patuloy pang inaalam ang pagkakakilanlan ng nasabing Pilipino.

“Naghihintay pa kami ng updates sa embassy natin sa London,” ani DFA Spokesperson Charles Jose. “Pero confirm yun na may kasamang isang Pilipino duon sa lumubog na vessel sa Scotland,” dagdag nito. (Joan Nano / Ruth Navales, UNTV News)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481