MANILA, Philippines – Sisimulan na ng Commission on Elections (COMELEC) ang voters registration para sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) Elections sa susunod na linggo, Hulyo 22 hanggang 31.
Sa 10 araw na registration period, ang lahat ng mga naalis sa voters list noong nakaraang halalan ay maaari nang magpa-reactivate ng kanilang registration.
Ito rin ang pagkakataon para sa iba’t ibang transaksyon maliban na sa validation o pagpapakuha ng biometrics ng mga dati nang rehistrado na pansamantalang sinuspinde upang hindi masabay sa bulto ng mga magpaparehistro.
Samantala, maaari namang magparehistro para sa SK Elections ang lahat ng mga kabataang nasa edad 15 hanggang 17 o wala pang 18 taong gulang sa mismong araw ng halalan sa Oktubre 28.
Kung 18 years old na ang isang botante sa October 28, sa halalang pambarangay na ito makakaboto.
Tinatatayang nasa 700 libong mga bagong botante ang inaasahang boboto, habang nasa 2 milyong mga kabataan naman para sa SK.
Ipinaalala naman ng COMELEC Spokesman James Jimenez na tanging sa opisina lamang ng mga district election officer o local offices isasagawa ang 10-day registration period.
“Walang satellite registration, pero merong weekends. So wag kayo mag-alala partikular yung mga estudyante at may trabaho, pwede magparehistro ng weekend.”
Samantala, hinihikayat rin ng COMELEC ang publiko na makilahok sa kauna-unahang video making contest bilang bahagi ng voters education campaign.
Ang 3-minute video na ia-upload sa YouTube ay kinakailangang sumasagot sa tanong na “Bakit Ako Magpaparehistro?”
Makatatanggap ng cash prizes ang tatlong maswerteng mananalo sa contest na mapipili sa Luzon, Visayas, at Mindanao.
“Yung nasa paligid mo, turuan mo para lahat tayo mag-mature as voters. Ia-upload nila sa YouTube at i-tag ang COMELEC upang makita natin,” pahayag pa ni Jimenez. (Pong Mercado / Ruth Navales, UNTV News)