MANILA, Philippines – Pinalawig pa ng Korte Suprema ang Status Quo Ante Order (SQAO) na pumipigil sa pagpapatupad ng Reproductive Health (RH) Law.
Ayon kay Supreme Court (SC) Spokesman Atty. Theodore Te, walang taning ang ibinigay na extension sa SQA order at mananatili ito hangga’t hindi binabawi ng korte.
“The court, with an 8-7 vote, voted to extend the SQAO effective immediately until further orders from the court.”
Sa orihinal na SQA order na inilabas ng korte nitong Marso 19, sampung mahistrado ang pumabor dito, habang tumutol naman sina Chief Justice Maria Lourdes Sereno at Associate Justices Antonio Carpio, Mariano Del Castillo, Estela Perlas Bernabe at Marvic Leonen.
Matapos ang unang bahagi ng oral arguments nitong Hulyo 9, dalawang mahistrado ang nadagdag sa mga tumutol na pigilin ang pagpapatupad sa kontrobersyal na batas.
Hindi naman inilabas ng korte kung sino-sino ang pumabor at tumutol na palawigin ang SQAO.
“I am not informed of who voted for which position. The vote, I am told, is 8-7, I have not been told who voted for which position,” ani Te.
Sa kasalukuyan ay may 14 na mga petisyon laban sa RH Law ang nakabinbin ngayon sa Korte Suprema na humihiling na maideklarang labag sa saligang-batas ang RH Law at tuluyang ipagbawal ang pagpapatupad nito.
Samantala, sinabi naman ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, nirerespeto ng Malakanyang ang naturang desisyon ng kataas-taasang hukuman.
“The extension is unfortunate; however the extension will be respected by government.”
Sa susunod na Martes, Hulyo 23 nakatakdang ituloy ng Korte Suprema ang debate sa RH Law. (Roderic Mendoza / Ruth Navales, UNTV