MANILA, Philippines – Naniniwala ang Philippine National Police Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force (PNP-AIDSOTF) na malaking sindikato ang nasa likod ng nahuling 40-kilo ng shabu nitong Lunes sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ang 40-kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P200-milyon ay sakay ng Cathay Pacific flight CX903, mula Taiwan noon pang December 29, 2014.
Nakumpiska ito ng PNP-AIDSOTF at PDEA sa Pair-Pags Cargo Center matapos na i-claim ng consignee na si Danilo Pineda upang umano’y i-deliver sa isang nagngangalang “Boyet” ng Parañaque.
Ayon kay PNP-AIDSOTF Spokesperson at Legal & Investigation Chief P/CInsp. Roque Merdegia, base sa kanilang imbestigasyon ay pang limang beses nang nag-import ng water pump ang suspek na si Danilo Pineda.
“Nagtataka ka kung bakit nag-iimport ng water pump na paapat-apat lang, palima-lima lang dahil kung talagang ang merkado mo ay madami dapat by bulk o container van, ito apat na piraso lang at nakalagay sa karton na di naman design para don,” anang opisyal.
Sinabi pa ni Merdegia na tuloy-tuloy ang ginagawa nilang pakikipag-ugnayan sa Bureau of Customs para sa mas mahigpit na monitoring at inspeksyon sa mga cargo na madalas na nagagamit ng mga sindikato sa operasyon ng shabu.
Tulad na lamang ng paggamit ng walis, cake, prutas, granite, bolt, stuff toys, tea bag at maging sa lotion at shampoo bottle sa ilegal na operasyon ng droga ng mga sindikato.
“Sa Customs talaga nakikipagugnayan kami para higpitan yung kanilang protocol kasi sa mga cargo medyo hindi mahigpit yung mga padala at balikbayan boxes, mukhang di istrikto sana yun ang tutukan,” saad pa ng opisyal.
Iginiit pa ng AIDSOTF na posibleng dadagsa na naman ang importasyon ng shabu dahil mas mura ito kumpara sa pagma-manufacture nito sa bansa. (Lea Ylagan / Ruth Navales, UNTV News)