MANILA, Philippines – Kanina lamang ala-8 ng umaga nag-online ang IT provider ng Land Transportation Office (LTO) para sa pag-iisue ng lisensya.
December 29 pa noong nakaraang taon nag-umpisang ma-offline ang serbisyo ng IT provider na nagdulot ng problema sa mga aplikante.
Ang Amalgamated Motors Philippines Incorporated (AMPI) ang IT provider ng LTO para sa mga lisensya.
“Ang nangyari medyo nabulunan, dumami transactions at until now yung mga spillover transaction ay ginagawa pa rin so medyo humaba yung pila,” paliwanag ni LTO Spokesperson Jason Salvador.
Nitong umaga ng Miyerkules, daan-daang mga aplikante ang dismayado dahil hindi man lamang sila nasabihan na itinigil muna ang pagtanggap para sa renewal at aplikasyon ng lisensya, at uunahin muna na asikasuhin ang mga nabinbin na aplikasyon mula ng ma-offline ang AMPI.
“Ang masasabi ko sa serbisyo nila ngayon palpak tlaga, talagang wala kasi dapat kung walang renewal dapat dun pa lang sa may gate sa gwardiya may nagsasabi na o kaya sabihin na walang renewal ngayon kasi may problema ngayon,” reklamo ni Ricky Maglake, aplikante.
Humingi naman ng paumanhin ang AMPI dahil sa aberya at sinabi nito na sisikapin nila na maibalik sa normal ang operasyon sa mga darating na araw.
Inumpisahan naman ng LTO ang bidding nitong Martes para sa bagong card supplier ng lisensya, at inaasahan na bago matapos ang taong 2015 ay bago na rin ang IT provider ng ahensya.
Samantala, maaari nang makuha ang mga bagong plaka para sa mga pampublikong sasakyan simula ngayong Miyerkules.
“Yung may ending na 1, your due month is January. So bayad lang kayo ng P450, give us a 45-day manufacturing period we will deliver you the plates in 45 days,” pahayag ni DOTC Secretary Jun Abaya.
Gaya ng mga private plate, magkakaroon rin ng mga security feature ang mga PUV plate upang hindi ito magamit sa katiwalian.
Sa Hunyo naman ng taong kasalukuyan ay uumpisahan na rin ng LTO na mag-isyu ng bagong plaka para sa mga motorsiklo.
Tiniyak ng DOTC na bago matapos ang taong 2015 ay maiisyuhan na ng bagong plaka ang lahat ng mga pampublikong sasakyan sa bansa. (Mon Jocson / Ruth Navales, UNTV News)