MANILA, Philippines – Nagtulung-tulong ang iba’t ibang bumbero upang apulahin ang apoy na tumupok sa isang abandonadong gusali sa Escolta Street, Binondo, Maynila, mag-aalas-tres ng madaling araw ng Miyerkules.
Dating City College of Manila ang labing-apat na palapag na gusali at ngayon ay binabantayan na lang ng security personnel ng city government.
Ayon kay Emmerson Narciso, guard on duty, nakakita siya ng usok sa ibabang bahagi ng building.
Aniya, “Nung makita ko lumabas ako nag-motor ako at tumawag ng bumbero.”
Mabilis namang itinaas sa Task Force Bravo ang sunog, nang umakyat na ang apoy sa ika-siyam na palapag ng gusali.
Inalis din ang mga fire truck dahil sa mga bumabagsak na debris ng gusali.
Ayon kay F/SSupt. Anderson Comar, Deputy Director for Operation ng BFP-National Capital Region, iniwasan ng mga pamatay sunog na madamay pa ang katabing establisyimento kaya ginawa nila ang confined fire procedure.
Pinaresponde na rin ang mga fire truck na may mga ladder dahil hindi na kaya ng mga pangkaraniwang fire truck ang mataas na bahagi ng nasusunog na gusali.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad kung ano at saan nagsimula ang apoy, habang patuloy ring inaalam ang kabuoang halaga ng natupok na ari-arian. (Benedict Galazan / Ruth Navales, UNTV News)