Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

Mga istasyon ng pulis sa Metro Manila, nilalagyan na ng CCTV

$
0
0

Ilan sa mga CCTV na naka-install QCPD Kamuning Police station 10. (UNTV News)

MANILA, Philippines – Malapit nang makumpleto ang paglalagay ng closed-circuit television cameras (CCTV) sa bawat police station sa National Capital Region (NCR).

Ayon kay NCRPO chief P/Dir. Carmelo Valmoria, 24 police stations na ang mayroong CCTV mula sa 38 istasyon ng pulis sa kalakhang Maynila.

Target makumpleto ang proyekto sa buwan ng Pebrero kabilang na ang paglalagay sa limang district offices.

“This is part of the program of Sec. Mar Roxas, tuloy-tuloy ang phase 1, ang next dito ay by February kasi on going pa yung process sa pag-bid non sa mga crime prone areas naman ito,” ani Valmoria.

Sinabi pa ng opisyal na apat na CCTV ang ilalagay sa bawat istasyon ng pulis, isa sa front desk, lobby, at strategic areas tulad ng harap at likod ng estasyon.

Layon nito na mamonitor ng kanilang mga hepe at ng pamunuan ng NCRPO ang galaw ng mga pulis sa loob ng presinto at kung paano tinatrato ng mga ito ang mga sibilyan na humihingi ng tulong.

“May mga nare receive tayong reports at merong nagre reklamo against sa pulis na di maganda ang pag asikaso, so transparency ito,” saad pa ni Valmoria.

Kabilang sa mga estasyon na mayroon ng CCTV ang lahat ng estasyon sa Southern Police District (SPD) maliban sa Taguig, Cubao, Kamuning, Project 4 at Libis sa Quezon City Police District (QCPD); habang mayroon na rin ang lahat ng estasyon sa Manila Police District (MPD); at San Juan sa Eastern Police District (EPD).

Ikinukonsidera din ng NAPOLCOM ang paglalagay ng CCTV sa mga estasyon ng pulis sa mga probinsya kapag mayroon nang sapat na pondo at kapag nakumpleto na ang paglalagay nito sa Metro Manila. (Lea Ylagan / Ruth Navales, UNTV News)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481