BALANGA CITY, Philippines – Nasawi ang isang mamamahayag sa Brgy. Tuyo, Balanga City, Bataan matapos pagbabarilin ng riding in tandem nitong umaga ng Huwebes.
Kinilala ng ang biktima na si Nerlita Tabuzo Ledesma, 48 anyos, isa sa mga local radio commentator ng 104.7 FM Power Radio at correspondent ng Abante.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, dakong alas-8:05 ng umaga nang pagbabarilin ng riding in tandem ang biktima habang naghihintay ng masasakyan patungo sa kanyang opisina.
Apat na tama ng bala ang tinamo ng biktima na agad nitong ikinamatay.
Ayon sa kanyang asawa na si Jun Ledesma, maraming beses nang nakatatanggap ng death threats ang kanyang asawa.
“Mga taong walang tirahan, yan ang ginanti ng mga taong ganid sa lupa! Gusto lang makatulong ng asawa ko sa walang mailupa, yan ang inabot! Tulungan nyo ang kasama nyo! Wag nyong pabayaan,” panaghoy ng mister ni Nerlita sa mga taga-media.
Ayon sa mga kasamahan ni Tabuzo sa NUJP Bataan Chapter, pang-apat na ito na nangyaring media killing sa Bataan.
Kaya naman kinukondena ng mga ito ang ginawang pagpatay sa mamamahayag.
“We highly condemn this media killing. Tila talagang nagpapatuloy sa karahasan sa ating mga mamamahayag na labis na masakit sa ating pakiramdam,” mariing pahayag ni Roel Tarayao, Presidente ng NUJP Bataan Chapter.
“Ito man ay may kinalaman sa trabaho o hindi, mali pa rin ang pumatay tayo ng tao. So, kinukondena ng NUJP-Bataan itong nangyaring pagpaslang sa ating kapatid sa hanapbuhay. Sana mabigyan ng katarungan ang pagkamatay ni Nerli Ledesma,” saad naman ni Mike Sigaral, Vice President ng NUJP-Bataan Chapter.
Tiniyak naman ng Malacañang na mananagot sa batas ang sinomang may kinalaman sa pamamaslang.
“Tinutugis na ng PNP ang mga pinaghihinalaang salarin at sila ay pinag-utusan na gawin ang nararapat upang panagutin ang mga nagsagawa ng krimen na ito,” pahayag si PCOO Secretary Herminio ‘Sonny’ Coloma Jr. (Joshua Antonio / Ruth Navales, UNTV News)