CAVITE, Philippines — Tinulungan ng UNTV News and Rescue Team ang biktima ng isang motorcycle accident sa Aguinaldo Hi-Way, Silang, Cavite nitong ala-una ng madaling araw ng Biyernes.
Ayon sa driver ng motorsiklo na si Enrico Domingo Flores, 28 anyos, galing sila ng Tagaytay ng kanyang live-in partner at pauwi na sana ng Cavite nang mawalan siya ng kontrol sa manibela na naging dahilan upang matumba ang sinasakyan nilang motorsiklo.
Nagtamo ng galos sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Flores at nabasag din ang suot nitong helmet, samantalang wala namang tinamong pinsala ang live-in partner nito.
Agad na nilapatan ng pangunang lunas ng UNTV News and Rescue Team si Flores na tumangging magpadala pa sa ospital.
Lalaking sugatan sa Calamba Laguna, tinulungan ng UNTV News and Rescue Team.
Samantala, isang tawag ang natanggap ng UNTV News and Rescue Team-Laguna pasado alas-9 ng Huwebes, kaugnay ng isang lalaking nakahandusay sa Barangay Real sa Calamba, Laguna.
Agad itong nirespondehan ng grupo at nadatnan ang lalaking duguan ang mukha dahil sa malaking sugat sa ulo.
Nanginginig rin ito kaya’t agad nilapatan ng paunang lunas at isinugod sa ospital.
Ayon sa mga nakakitang opisyal ng barangay, hindi nila alam ang pangalan ng lalaki bagama’t madalas itong nakikita sa lugar habang nangangalkal ng basura.
Hindi pa malinaw kung paano nagkaroon ng sugat sa ulo ang lalaki.
“Nung lapitan namin di namin ginalaw gawa ng may tama nga ho sa ulo may dumating na pulis siya ng tumawag sa inyo para mag-asiste. Magbabasura yang mga yung malimit makita ng mga gwardiya dun,” salaysay ni Luciano Layawin, opisyal ng Brgy. Real. (Sherwin Culubong / Ruth Navales, UNTV News)