MANILA, Philippines – Nag-ikot ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga paradahan ng taxi sa Metro Manila upang ipaalala sa mga tsuper na sa Enero 15 na ang simula ng implementasyon ng ID system.
Kabilang sa mga pinuntahan ng LTFRB ang NAIA Terminal 2, SM Mall of Asia at Araneta Center.
Batay sa memorandum circular 2014-020 ng LTFRB, kailangang nakasabit ang back to back ID’s ng mga tsuper sa rear view ng kanilang mga taxi.
“Kapag nakita na walang naka-display na ID ang isang taxi cab, maaari silang hindi sumakay, makakabawas sa kanilang agam-agam na baka may hindi magandang mangyari sa kanila,” pahayag ni LTFRB Public Assistance and Complaint Desk head, Arnel Del Rio.
Sang-ayon naman sa nasabing regulasyon ang ilang taxi driver.
“Maganda sa mga pasahero kasi kapag wala kang ID hindi ka sasakyan,” saad ng taxi driver na si Reynaldo Mesias.
Ayon naman kay Arnald Lacdan, “Madali po ma-trace sa iyong mga gumagawa ng kalokohan dahil iyong iba nadadamay, mga matitino nadadamay sa hindi matitino.”
Napagkasunduan ng LTFRB at taxi operators ang size ng ID ng mga taxi driver kaya hindi pwedeng idahilan na nakakaharang o sagabal ang ID.
Sa Enero 16 ay magsisimula nang manghuli ang LTFRB sa mga hindi susunod sa regulasyon.
Ayon kay Del Rio, ang sinomang taxi drivers na walang ID ay hindi maaaring pumasada, at kapag nahuli ay magbabayad ng multa na nagkakahalaga ng limang libong piso.
“Pwede agad ireklamo sa amin sa pamamagitan ng ating 24/7 hotline at ang multa sa hindi pagdi-display sa ID ay P5,000.”
Noong 2014, tinatayang 60% ang natanggap na reklamo ng LTFRB partikular sa pang-aabuso ng mga taxi driver sa kanilang mga pasahero.
Bukas ang LTFRB hotline no. 459- 21-29 upang tumangap ng reklamo. (Aiko Miguel / Ruth Navales, UNTV News)