MANILA, Philippines – Maaari nang gamitin ang mga debit card sa mga transaksyon sa mga opisina ng Land Transportation Office (LTO) simula sa susunod na buwan.
Inaasahang makatutulong ang paggamit ng debit card sa pagpapabilis ng transaksyon sa LTO, gaya ng pagkuha ng lisensya at pagpaparehistro ng sasakyan.
Ayon kay Assistant Secretary Alfonso Tan, sa pamamagitan rin ng debit card ay maiiwasan ang korapsyon sa ahensya.
Mababawasan na rin ang oras na ginugugol sa cash transaction na dati ay umaabot ng 3-10 minuto.
Ang isang district office ng LTO ay may average na 700 transactions kada araw. Nagkakahalaga ang bawat transaksyon ng mula P300 hanggang P10,000.
“Wala nang suklian o kaya dahil may pera ka pwede kang magbayad sa fixer ng extra, dito hindi. Hindi mo na kasi kailangang paghandaan yung cash, kung meron ka sa ATM mo ibabawas na lang doon,” ani Tan.
Ayon naman sa Development Bank of the Philippines (DBP), may kontribusyon sa paglago ng ekonomiya ang ganitong sistema at makaiiwas pa sa panganib.
“A cash less society definitely probably accelerate the evolution of economic growth faster, because it remove the friction in counting the cash, sorting it out, having it pickup by armored car, bringing it to the bank,” pahayag ni DBP Executive Vice-President Anthony Robles.
Mag-uumpisang tumanggap ng debit card ang LTO sa susunod na buwan sa mga regional office sa bansa at isusunod na sa mga distrito.
Ang LTO ang kauna-unahang ahensya ng gobyerno na magpapatupad ng ganitong sistema.
May charge naman na P10.00 ang kada transaksyon gamit ang debit card. (Rey Pelayo / Ruth Navales, UNTV News)