MANILA, Philippines – Ibinigay ng team GSIS Furies ang lahat ng nalalaman sa depensa laban sa mas matatangkad na defending champion na AFP Cavaliers upang maitala ang upset victory, 100-87, sa kanilang paghaharap sa Makati Coliseum nitong Linggo.
Pinangunahan ni Dennis Bunyi ang Furies sa panalo sa pamamagitan ng career high 29 points upang tanghaling best player of the game.
Dahil sa panalo, tabla na ngayon sa Group B team standings ang GSIS at AFP sa record na 2 panalo, 2 talo.
“Go hard lang, saka kailangan naming magtulong-tulong sa depensa isa pa mas malalaki sa amin kalaban namin yun siguro ang nagbunga sa amin,” saad ni GSIS Fury guard na si Dennis Bunyi.
Samantala, halos hindi pinawisan ang walang talo na team Judiciary Magis upang itala ang 103-76 na blowout victory para sa 4-0 card sa Group B.
Pinangunahan nina Jon Hall at Don Camaso ang opensa ng Magis na kumamada ng pinagsamang 49 points.
Naghari rin si Camaso sa rebounds na may 15 boards.
Dahil sa pagkatalo ay lalo pang nabaon ang MMDA sa ilalim ng team standings 1-3, at nasa bingit na ng pagka-eliminate sa torneo.
“We don’t want to relax, kailangan we have to put our heads in the game,” pahayag ni John Hall.
At sa final game, pinosasan ng PNP Responders ang BFP Fire Fighters upang magwagi, 105-68.
Umarangkada si Julius Criste na mayroong 17 pts., 4 rebounds, 3 assists, at 3 steals.
Sa ngayon ay hawak ng PNP ang 3-1, win-loss card habang bumagsak naman sa 1-2 record ang BFP.
“yun talaga instruction niya gusto niya makita strength namin sa defense gusto niya makita kung na-develop hangin namin sa practice,” pahayag naman ni PNP Responders Julius Criste. (JP Ramirez / Ruth Navales, UNTV News)