MANILA, Philippines – Sinuspinde na ng National Commission on Culture and the Arts (NCAA) ang konstruksyon ng kontrobersyal na Torre de Manila na sinasabing nakakasira sa tanawin ng Rizal Park sa Maynila.
Ayon kay Senador Pia Cayetano na isa sa mga nangungunang tutol sa konstruksyon ng nasabing gusali, nitong Martes ay inilabas ng NCAA ang nasabing cease and desist order at dinala mismo sa project site ng Torre de Manila.
Enero 5 nang lagdaan ni NCAA Chairman Felipe De Leon Jr ang nasabing kautusan.
Nakasaad dito na kailangang ipatigil ng DMCI Homes ang konstruksyon ng nasabing condominium, hanggang sa panahong magkaroon ng deklarasyon ang komisyon na ang mayroon talagang aktwal na destruction dito.
Sa opisyal na pahayag ni Senador Cayetano, ikinatuwa nito ang hakbang na ipatigil ang konstruksyon ng 49-storey building na aniya’y makasisira sa magandang tanawin ng Rizal Monument.
“I Welcome The Issuance Of The Cease And Desist Order (CDO) by the against DMCI’s Torre de Manila condominium project in Manila. The CDO suspends the construction of the 49-storey tower across Rizal Park that has significantly compromised the landscape of the Rizal Monument,” anang senadora.
Dagdag pa nito, panahon nang proteksyunan ng taumbayan ang kasaysayan at kultura ng ating bansa.
Aniya, ang Rizal Shrine sa Luneta, ay kailangang magkaroon ng pangangalaga sa ilalim ng National Heritage Law.
Matatandaang noong 2014 ay nagkaroon na rin ng pagdinig ang senado ukol sa isyu at nakapagsagawa na rin ng ocular inspection ang ilang senador sa Luneta. (Bryan De Paz / Ruth Navales, UNTV News)