MANILA, Philippines – Bagama’t malaking pwersa na ng Philippine National Police (PNP) ang itatalaga para sa Papal visit, nanawagan pa rin ang pambansang pulisya sa bawat isa na ipakita sa buong mundo na disiplinado ang mga Pilipino.
Ayon kay PNP PIO chief P/CSupt. Wilben Mayor, hindi magiging matagumpay ang lahat ng preparasyon na ginawa ng pamahalaan kung hindi susunod sa mga patakaran at magiging pasaway ang mga dadalo sa okasyon.
“This time we appeal to the public na tingnan lang natin yung kabuuan, let us think of our country, let’s do it in a practical way by being responsible, behaving and following the rules set by the government.”
Ayon pa sa opisyal, hindi lamang trabaho ng mga law enforcement unit ang kaligtasan ng Papa sa Roma kundi ng bawat isa.
“Ang mission natin ay to ensure the safety of the Pope, ensure the safety of the attendees or crowd, and the nation honor and prestige and pride is at stake.”
Sinabi pa ni Mayor na maaari nating gayahin ang pagdalaw ng Pope sa Korea kung saan walang sinoman ang lumampas sa guhit na chalk sa bawat kalye na binagtas ng Vatican head.
“Sa Korea kung chalk ang nilagay na linya at walang lumagpas, why don’t we show it also here in the Philippines, though may mga concrete barricades siguro it’s time for us to show also that nobody will go beyond that limitations… if Koreans can do it, why not the Filipinos,” ani Mayor.
Samantala, sa kabila ng mahabang oras na pagbabantay ng mga pulis sa Papal visit, tiniyak naman ng pamunuan ng PNP na hindi sila magugutom dahil ang mga unit commander ng mga ito ang bahala sa pagkain ng kanilang mga tauhan simula agahan hanggang hapunan. (Lea Ylagan / Ruth Navales, UNTV News)