MANILA, Philippines – Maghahain ng supplemental pleadings sa Korte Suprema ang Bayan Muna Party-list upang hilingin na maglabas agad ng temporary restraining order (TRO) sa pagtaas ng pamasahe sa MRT at LRT.
Ayon kay Bayan-Muna Party-list Representative Neri Colmenares, ito ay upang ipaliwanag ng husto sa korte ang kanilang panig na walang basehan ang ginawa ng DOTC na itaas ang pamasahe sa MRT at LRT noong Enero 4, 2015.
“We will have to file a supplemental petition na nagko-contain ng una yung pag-amin ng DOTC na wala silang jurisdiction at walang hearing na naganap malinaw yun sa constitution at sa ating batas na bawat imposition sa public kahit rate hike ng kuryente o tubig o pamasahe dapat may hearing,” anang mambabatas.
Nitong Martes, bigo pa ring maglabas ng temporary restraining order ang Korte Suprema sa fare increase ng Department of Transportation and Communications.
Sa halip ay pinagsusumite ng Supreme Court ang pamahalaan ng kanilang komento sa mga petisyong kumukuwestyon sa legalidad ng pagpapatupad ng fare increase sa loob ng sampung araw.
Sa isinagawang pagdinig ng House Committee on Transportation, kinuwestyon ng mga kongresista ang mga opisyal ng DOTC dahil hindi ito kumbinsido sa paliwanag ng DOTC sa basehan ng fare hike.
Naniniwala rin si Colmenares na may magagawa pa ang kongreso at korte upang ipahinto ang mataas na pasahe sa MRT at LRT.
“Sa kada araw na hindi ini-issue ang TRO at least nasa P15M – P20M na dagdag sa pamasahe ang napapataw sa tao at mahihrapan nang ire-imburse ito balang araw kung sakali mang manalo ang petisyon.”
Sa darating na Martes ihahain ang supplemental pleadings sa korte. (Grace Casin / Ruth Navales, UNTV News)