QUEZON CITY, Philippines — Ngayong araw muling mag-uulat sa bayan si Pangulong Benigno Aquino III.
Ito na ang ika-apat na State of the Nation Address ng Pangulo.
Subalit bago isagawa ang SONA, pormal munang magbubukas ang 1st regular session ng Senate of the Philippines at House of Representatives.
Alas-10 ngayong umaga, magbubukas ang sesyon sa dalawang kapulungan ng Kongreso.
Dito na rin magkakaroon ng botohan ang mga senador at kongresista para sa kanilang susunod na liderato.
Sa Senado, inaasahang maglalaban laban sa pagka-Senate President sina Senator Franklin Drilon at dating Senate President Juan Ponce Enrile.
Subalit inaasahang makukuha ni Senator Drilon ang liderato at magiging minority leader naman si Senator Enrile.
Nakikitang magiging Senate Pro-Tempore si Senator Ralph Recto habang makukuha ni Sen. Alan Peter Cayetano ang posisyon bilang majority leader.
“Asahan na na isusulong ng bagong majority bloc ang malawakang reporma sa pananlapi ng Senado,” ani Cayetano
Sa House of Representatives naman ay maglalaban laban sa pagka-house speaker si Quezon City Representative Feliciano Belmonte Jr., Leyte Representative Martin Romualdez at San Juan Represenative Ronaldo Zamora.
Subalit matapos ang pag-endorso ng Pangulo kay Belmonte tiyak nang muli nitong makukuha ang pagiging house speaker.
“Last year, I did considerably better hopefully this year it will also be somewhat better,” ani Speaker Belmonte.
Pagsapit ng alas -4 ng hapon ay ang State of the Nation Address ni Pangulong Aquino.
Dito iuulat ng Pangulo sa taumbayan ang lahat ng kanilang mga nagawa sa nakalipas na isang taon ng kanyang pamamahala sa bansa.
Maging ang kanyang mga plano sa mga susunod na taon ay dito rin mapakikinggan.
Ayon kay Cabinet Secretary Jose Rene Almendras mismong ang Pangulong Aquino ang nagsulat ng kanyang talumpati.
Aniya buong linggong binalangkas ng Pangulo at ng kanyang mga speechwriter ang kanyang SONA. (GRACE CASIN, UNTV News)