MANILA, Philippines – Ilang bahagi ng Commonwealth Avenue at Batasan Road sa Quezon City ang hindi maaaring daanan ng mga motorista ngayong araw, Lunes kaugnay ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Aquino.
Sa traffic advisory ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), sarado na simula kaninang alas-dose ng hatinggabi ang north at southbound lane ng Commonwealth Avenue mula Quezon Memorial Circle / Philcoa hanggang Fairview Center mall, maliban sa dalawang lane sa northbound.
Ala-5 ng madaling araw naman kanina nagsimula ang rerouting mula sa u-turn slot sa harap ng Jocfer Guilding at Omni Tire Supply sa southbound lane hanggang San Simon para sa counterflow.
Maaaring gamitin ng mga motorista ang apat na linya sa southbound patungo sa northbound o Fairview para sa reverse flow.
Ang mga motoristang manggagaling sa bahagi ng Ever Gotesco ay maaaring dumaan sa Josfer u-turn slot; habang ang mga manggagaling naman sa capitol estates one ay maaaring dumaan sa harap ng Saint Peter Church pa-northbound sa Fairview area o southbound sa Edsa area.
Magiging normal ang takbo ng trapiko sa siyam na linya ng Commonwealth pag-lampas ng San Simon para sa mga motoristang pa-northbound o Fairview.
Alas-dose naman ng tanghali ay one-way traffic na ang IBP Road patungo sa House of Representatives.
Ang kabilang direksyon naman patungo sa Sandiganbayan underpass at Commonwealth Avenue ay bubuksan lamang para sa mga manggagaling sa House of Representatives hanggang matapos ang SONA.
Isasara ang IBP Litex Road para sa mga motoristang magmumula ng Montalban/Rodriguez area, ngunit maaaring dumaan sa Soliven Street patungong Commonwealth Avenue at Fairview area.
Magbabalik sa normal ang daloy ng trapiko sa Commonwealth Avenue at Batasan Road pagsapit ng ala-sais mamayang gabi. (UNTV News)