MANILA, Philippines – Isang kautusan ang inilabas ng Department of Education (DepED) na magiging batayan sa pagsasagawa ng mga aktibidad at paggamit ng mga materyales na may kaugnayan sa kultura ng indigenous people (IP).
Ang nasabing guidelines ay resulta ng konsultasyon ng DepED sa iba’t-ibang IP communities, educators at civil society support groups.
Layon ng guidelines na mapabuti ang “ethical assessment” ng mga paaralan at DepED offices sa pagsasagawa ng mga aktibidad at inisyatibo na may kinalaman sa mga aspeto ng IP culture.
Kabilang rito ang cultural presentations, festivals, at paggamit ng artifacts at indigenous clothing.
Taos-puso naman ang pasasalamat ni Education Secretary Armin Luistro sa mga IP leader na tumulong sa pagbuo ng guidelines.
“Ang lahat po ng mga kwento, mga awitin, at mga ritwal na inyong ipinapadala sa amin ngayon ay isang pagbabalik-tanaw sa kung sino ang Pilipino. Maraming salamat sa mga panahon na pinagtibay ninyo ang inyong mga paniniwala at hindi ninyo pinagpalit ang tunay na diwang Pilipino.”
Binigyang diin rin ng kalihim ang kahalagahan ng cultural exchange upang mas maintindihan ng mga estudyante ang kultura ng mga katutubo.
“Kami po sa Kagawaran ng Edukasyon ay patuloy na pinag-aaralan ang mga katutubo nating kaalaman. Kami po ay mga guro pero alam ko po na sa larangan ng katutubong kultura ay marami pang dapat malaman. Hindi po kami mga eksperto sa mga bahaging ito.”
“Sa atin pong paghahanap ng ating katutubong diwa bilang mga Pilipino, makikita po siguro natin ito sa iba’t ibang mga katutubong kaalaman, mga katutubong awitin, kwento, ritwal, at iba’t-ibang mga pinapahalagahan na ngayo’y nasa inyong mga komunidad,” saad pa ni Sec. Luistro.
Bukod sa guidelines, pinuri rin ng DepED ang mga private educational institution na tumutulong sa IP learners upang ma-promote ang karapatan ng IP communities at mabigyang pagkilala ang katutubong kaalaman sa educational system ng bansa. (Bianca Dava / Ruth Navales, UNTV News)