MANILA, Philippines – Umabot na sa 46 taon ang sigalot at digmaan sa pagitan ng gobyerno at ng Communist Party of the Philippines (CPP).
Bumababa naman ang pwersa ng armadong grupo nito na NPA ayon sa pahayag ng AFP.
Nito lamang nakalipas na buwan, iniulat ng 10th Infantry Division kay AFP Spokesperson Col. Restituto Padilla Jr. na ilang rebelde ang nagbalik-loob sa pamahalaan.
“Sa Agusan po at sa ComVal, marami pong sumusuko kada linggo.”
“Sa balita po natin may mga sampu o lima kada linggo na nagsu-surrender ng firearms at nagsu-surender sa ating otoridad,” ani Padilla.
Sa kabila nito, nangyari pa rin ang mga opensiba ng mga rebelde sa mga liblib na lugar kahit umiral ang tigil-putukan.
“Panununog po, may incident po tayo diyan, sa Agusan at Camarines Norte, yung pagkamatay po ng isang opisyal at isang sundalo at isang CAA member sa lugar ng ComVal,” saad pa ng opisyal.
Ayon sa AFP, hindi mahirap na matuloy ang usaping pangkapayapaan ng pamahalaan at NPA, ito ay kung magpapakita ng sinseridad ang kabilang panig.
“Open ang Armed Forces of the Philippines sa usaping pangkapayapaan, ang hinahanap lang dito ay sinseridad ng kabilang panig upang matuloy ito,” pahayag pa ni Padilla.
Samantala, base naman sa pahayag ng founder ng CPP at chief political consultant ng National Democratic Front negotiating panel na si Prof. Jose Maria Sison, desidido ang grupo na gawin ang bahagi nito sa peace negotiations.
Patuloy rin ang paghahanda ng grupo para sa pormal na usapang pangkapayapaan ng NDF sa pamahalaan.
Ayon sa AFP, magiging ganap lang ang kapayapaan sa bansa kung seseryosohin at susundin lang ang aral at usapang pakikipagpayapaan. (Rosalie Coz / Ruth Navales, UNTV News)