MANILA, Philippines – Imbes na 30 araw, iiklian ng Commission on Elections (COMELEC) sa 15 araw ang pagsisimula ng election period bago ang February 21 SK Elections.
Ayon kay COMELEC Chairman Sixto Brillantes Jr., ito ay upang bigyang daan ang pagdinig ng Senado sa panukalang muling ipagpaliban ang halalan sa October 2016.
“To give them a leeway to discuss it further sino-shorten namin yung election period by 15 days. That should give Senate enough time to discuss it.”
“Ang estimate namin kung aaksyunan na ngayon magstart na yung reading it should be finished in about 10 days. Between 5-10 days if they move fast on it.”
Bunsod nito, sisimulan na ang SK election period sa Pebrero 6.
Dahil sa adjustment sa schedule, suspendido din ang implementasyon ng gun ban na isinasabay sa pagpasok ng election period, pati ang iba pang prohibitions sa panahon ng eleksyon.
Effective immediately ang resolusyong ito ng COMELEC.
Sa kabila nito, sinabi ni Brillantes na tuloy pa rin ang paghahanda ng komisyon para sa halalan.
Katunayan, sa P900-milyong budget na nakalaan para sa SK Elections, sinabi ni Brillantes na nasa halos P100-milyon na ang kanilang nagagastos sa pagbili ng mga kagamitan.
Ayon sa poll chief, ang P500-milyon hanggang P600-milyong sa naturang pondo ay pambayad sa mga gurong magsisilbi sa eleksyon.
“What we have done right now is minimize yung aming pag gastos kasi sayang.”
“Talagang hindi na kami gumagalaw masyado, pumipirma na kami ng kontrata pero kina-qualify na namin pag hindi natuloy, hindi na tuloy ito. Hindi kami magbabayad sa inyo. ‘Yun namang naumpisahan na babayaran din naman namin.”
Umaasa naman ang COMELEC na maipagpapaliban sa October 2016 ang SK Elections dahil makakaapekto ito sa paghahanda ng komisyon sa May 2016 Presidential Elections.
Nais din ng COMELEC na magkaroon muna ng reporma sa sistema ng SK bago magkaroon ng halalan gaya ng nilalaman ng orihinal na plano bago ipinagpaliban ang SK Elections noong 2013.
Pasado na sa House of Representatives ang bill para sa SK Elections postponement habang hinihintay pa ang bersyon ng Senado.
Ayon kay Brillantes, “’pag inadopt ng Senate ang House version wala ng Bicam tutuloy na ka president yan.”
Hihintayin naman ng Malakanyang ang magiging desisyon ng kongreso sa isyung ito.
Ayon kay Presidential Communication Secretary Herminio Coloma Junior, nananatili ang posisyon ng pangulo na dapat magkaroon ng reporma sa sistema ng SK sa bansa.
“Noon pa ay nagpahayag ang pangulo ng paliwanag na kailangang magpatupad ng reporma hinggil sa konsepto at sistema ng SK at wala namang panibagong pahayag hinggil dito.” (Victor Cosare / Ruth Navales, UNTV News)